Suspect sa snatching ng legal staff ni Senator Padilla tiklo sa Pasay

Suspect sa snatching ng legal staff ni Senator Padilla tiklo sa Pasay

October 29, 2022 @ 4:27 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Arestado ng mga operatiba ng Pasay City police Investigation and Detective Management Section (IDMS) ang suspect na nang-snatch nitong nakaraang Agosto sa biktimang abogada na staff ni Senator Robin Padilla.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Byron T. Tabernilla ang arestadong suspect na si Kenneth Guzman Casas.

Nadakip ang suspect bunsod sa arrest warrant order na inisyu ni Manila Regional Trial Çourt (RTC) Judge Barry Boy Ariola ng Branch 52 na may sa kasong robbery (snatching) na may Crim. Case No. R-MNL-19-09918-CR.

Ayon kay Tabernilla, si Casas ang pangunahing suspect na nang snatch sa biktima na kinilalang si Atty. Asmenah M. Barambangan, legal staff ni Padilla nitong nakaraang Agosto sa kahabaan Macapagal Boulevard, Pasay City.

Nag-ugat ang pag-aresto kay Casas matapos makatanggap ng impormasyon ang IDMS mula sa concerned citizen na namataan ang suspect na gumagala sa isang lugar sa lungsod.

Makaraang matanggap ang naturang impormasyon ay agad na kumilos ang mga tauhan ng IDMS na pinamunuan ni P/Lieut. Dennis Desalisa kasama si Police Investigator P/Cpl. Christian Quiñola para maisilbi ang arrest warrant at madakip ang suspect.

Nang makarating ng mga tauhan ng IDMS sa address ng bahay ni Casas ay kusang loob naman itong isinuko ng kanyang asawa at ng kanyang pamilya nitong Oktubre 27.

Sinabi ni Tabernilla na ang pagkakaaresto kay Casas ay resulta ng kanilang patuloy at walang tigil na follow-up operation na nagpapatunay lamang ng kakayahang magsilbi ng kanyang mga tauhan sa mga naninirahan sa Pasay. James I. Catapusan