Suspek sa Ateneo shooting, inilipat na sa kustodiya ng BJMP

Suspek sa Ateneo shooting, inilipat na sa kustodiya ng BJMP

July 31, 2022 @ 1:15 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Inilipat na ng Quezon City Police District (QCPD) sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Payatas, Quezon City ang suspek sa Ateneo de Manila University shootout na si Dr. Chao-Tiao Yumol kahapon, alas-10 ng umaga.

Inanunsyo ni QCPD Director, PBGEN Remus B Medina, ang paglilipat sa kustodiya ng suspek (BJMP).

Ayon kay Gen. Medina, gabi ng Hulyo 29, 2022 nang ilabas ang commitment order ni Dr. Yumol at nitong umaga lamang ay iniskortan ng QCPD Swat Team at Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang suspek para sa kanyang medical examination bago ito dinala sa nasabing pasilidad.

Samantala, nakatakdang sumailalim ang suspek na si Dr. Yumol sa Arraignment Proceedings ngayong Linggo.

Nauna rito, magugunitang nitong nakalipas na Hulyo 24, nahuli si Yumol sa Ateneo de Manila University matapos ang nangyaring pamamaril na ikinamatay ni dating Lamitan City Mayor Rosita Furigay, executive assistant na si Victor George Capistrano at gwardya na si Jeneven Bandiola.

Nahaharap ngayon sa tatlong counts ng muder, frustrated murder, paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 at malicious mischief ang suspek na si Yumol. Santi Celario