Suspek sa Forbes Park shooting arestado na

Suspek sa Forbes Park shooting arestado na

September 29, 2022 @ 12:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nadakip sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Makati City Police Station (CPS) nitong Setyembre 27 ang suspect na bumaril at nakapatay sa dalawang biktima na kanyang kasamahan na naganap nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ng Makati CPS police chief P/Col. Harold P. Depositar ang inarestong suspect na si Julius Cortez, security guard at driver ni Pharmally Pharmaceutical Corp. executive Rose Nono Lin na napag-alamang nangupahan sa kanyang tirahan sa No. 14 Narra Street, South Forbes Park Village, Makati City.

Ayon sa kay Depositar, binaril at napatay ni Cortez ang kanyang kapwa security guard na sina Jay Ar Tomenio at Eugene Sitjar.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Makati CPS, dumating si Cortez sa bahay ni Lin na lasing at naghahanap ng pagkain sa mga biktima.

Sinabi ni Depositar na sa salaysay ng isang saksi sa pangyayari ay nagalit di-umano si Cortez pagdating nito sa bahay nang wala siyang nakitang ulam kundi kanin lamang na nagging dahilan ng pag-init ng ulo nito at binaril ang mga biktima kung saan tinamaan si Sitjar sa ulo na nagdulot ng kanyang agarang kamatayan habang tinamaan naman sa baywang si Tomenio na naitakbo pa sa ospital bago siya nalagutan ng hininga.

Dagdag pa ni Depositar na matapos ang insidente ay normal lamang na naglakad papalabas ng bahay si Cortez na parang walang nangyari at tuluyan nang tumakas ngunit dahil sa impormasyon na nakalap sa isa ring security guard na kasamahan ni Cortez ay natunton ang suspect sa kanyang pinagtataguan kung saan siya dinakip ng mga awtoridad.

Narekober sa posesyon ni Cortez ang isang .40 kalibre pistola at dalawang magazine na kargado ng 15 bala.

Kasalukuyang nakapiit sa Makati CPS detention facility si Cortez habang inihahanda ang kasong double murder laban sa kanya na isasampa sa Makati City prosecutor’s office. James I. Catapusan