Suspek sa pagpaslang kay Fr. Nilo, pinalaya

Suspek sa pagpaslang kay Fr. Nilo, pinalaya

June 29, 2018 @ 6:16 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Pormal na pinakawalan ng mga awtoridad si Adell Roll Milan, ang sinasabing prime suspect sa pagpaslang kay Fr. Richmond Nilo sa Nueva Ecija.

Si Philippine National Police (PNP) spokesperson Senior Supt. Benigno Durana Jr, ang nagkumpirma sa paglaya ni Milan ilang oras matapos maghain ng motion to withdraw information ang abogado nito na si Atty. Larry Gadon.

Ayon kay Durana, ikinatwiran ni Gadon na si Milan ay umanoy biktima ng mistaken identity.

Wala naman daw balak si Milan na maghain ng kaso laban sa mga pulis na umaresto sa kanya.

Ang paglaya kay Milan ay bunsod ng pagbawi ng Cabanatuan City Regional Trial Court branch 27 sa kasong isinampa sa pagpatay kay Fr. Nilo.

Sa naging desisyon ng korte ay pinaburan nito ang mosyon na inihain ng provincial prosecutor at agarang ipinag-utos ng korte sa agarang pag-release mula sa kostodiya ng pulis si Milan.

Binawi ng piskalya ang kaso laban kay Milan matapos matuklasan ng mga awtortidad na hindi ito ang suspek sa pagpatay kay Fr. Nilo kundi si Omar Mallari.

Lumagda naman ng waiver si Milan at sinabing wala siyang balak balikan ang mga pulis sa kabila ng maling bintang at maling pag-aresto sa kaniya. (Jeff Gallos)