Suspek sa pagpatay kay Silawan, pinaaarestong muli ni PDU30

Suspek sa pagpatay kay Silawan, pinaaarestong muli ni PDU30

March 27, 2019 @ 6:58 AM 3 years ago


Manila, Philippines – Muling ipinaaaresto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang suspek na pumatay sa 16-anyos na dalagita sa Cebu na si Christine Lee Silawan.

Sa naging talumpati sa DSWD Unconditional Cash Transfer Payout Provincial Capitol Covered Court, Koronadal City, South Cotabato kagabi ay nanawagan ito sa mga prosecutor na humahawak ng kaso na i-recall ang desisyon at muling ipaaresto ang naturang suspek.

Nauna rito noong Biyernes ay ipinag-utos ng Lapu-Lapu City Prosecutor’s Office na pakawalan ang binatilyong suspek na nasa kustodiya ng social welfare development office.

Magugunitang pinatay ang Grade 9 student na si Silawan na natagpuang binalatan pa ang mukha noong Marso 11.

Makalipas ang ilang araw ay naaresto sa kaniyang bahay ang itinuturong suspek.

“Di ako papayag ganunin ang bata. Binalatan mo ang bata. Mahuli ka ilang days, tapos palayain? Imposible ang hot pursuit na 24 hours lang. Six days, it’s still hot pursuit,” ayon kay Pangulong Duterte.

Sa ulat, pinalaya ng Lapu Lapu City Prosecutor’s office ang 17 anyos na suspek sa pagpatay sa dalagitang si Christine Silawan sa mismong araw ng libing ng biktima nitong Sabado.

Ayon sa ulat, alas 12:45 ng Sabado ng hapon nang pakawalan ang suspek mula sa Home Care Facility ng Lapu Lapu Social Welfare and Development.

Ito ay alinsunod sa Omnibus Motion na inilabas ng piskalya para sa paglaya ng suspek dahil hindi umano sumunod sa legal na proseso ang pag-aresto rito.

Ayon sa presecutor’s office, invalid ang pag-aresto ng Bureau of Investigation (NBI) dahil wala itong warrant.

Bagaman nagulat at nalungkot ang pamilya Silawan sa pagpapalaya sa suspek, nais ng mga itong makulong ang binatilyo alinsunod sa tamang proseso nang matiyak na di mababasura ang kaso dahil sa technicality.

Mababatid na ibinaba ng prosecutor’s office ang desisyon batay sa mosyon ng abugaado ng suspek na humiling palayain ito habang nakabinbin ang resolusyon sa kasong murder na isinampa ng NBI sa suspek.

Batay ang pag-aresto sa CCTV footages kung saan makikita ang suspek na syang huling kasama ng dalagita bago ito karumal-dumal na pinatay./Kris Jose