Suspek sa Taguig school bomb scare sinampahan na ng reklamo

Suspek sa Taguig school bomb scare sinampahan na ng reklamo

December 4, 2022 @ 10:11 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagsampa na ng reklamo ang pulisya laban sa anim na suspek na sangkot sa online bomb threat sa isang pampublikong paaralan sa Taguig City noong nakaraang buwan.

Matatandaan na sinuspinde pa ang pang-hapon na klase sa Signal Village National High School noong Nobyembre 7 makaraang makatanggap ng banta ng pagpapasabog na inilagay sa Facebook page ng Public Information Office ng Taguig.

Ayon sa mga awtoridad, ang isinampa nilang kaso ay ang paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 at Cybercrime Prevention Act of 2012 na inihain noong Nobyembre 24 sa city prosecutors office.

Sangkot dito ang dalawang menor-de-edad sa ulat ng Southern Police District.

“Mariin nating ipinapaalala sa lahat na ang pagbibiro tungkol sa bomba ay may kaakibat na parusang multa at pagkakakulong kaya’t hinihingi namin na sana ay huwag na itong mangyari muli,” paalala ni SPD Director Kirby John Kraft. RNT/JGC