Suspek umamin sa pagpatay sa dalagang naaagnas sa gilid ng sapa

Suspek umamin sa pagpatay sa dalagang naaagnas sa gilid ng sapa

July 10, 2022 @ 5:00 PM 1 month ago


Guiguinto,Bulacan-Umamin na ang suspek na siya ang pumatay sa natagpuang naaagnas na lady engineer matapos ang masusing imbestigasyon at sa pagkakarekober sa mga ID sa follow up operation ng mga awtoridad sa kanyang bahay.

Detalyadong isinalaysay (extra judicial confession)ng suspek na si Darwin De Jesus y Hernandez sa mga awtoridad at sa harap ng apat na abogado ang ginawa niyang pagholdap at pagpatay kay Princess Dianne Dayor.

Kabilang umano sa lalong nagdiin sa suspek ang mga narekober na iba’t ibang ID ng biktima sa loob ng bahay niya matapos ang isinagawang follow up operation ng pulisya katulong ang ilang opisyal ng Brgy.Santor at pakikipag-ugnayan sa pmahalaang lungsod ng Malolos.

Nalamang nawawala ang wallet na naglalamam ng mga ID ng biktima nang matagpuan at imbestigahan ito ng mga awtoridad sa madamo at gilid ng sapa sa boundary ng Brgy. Tabang, Guiguinto at Brgy. Tikay, Malolos nitong hapon ng Hulyo 5.

Dahil dito,sinabi ng pulisya na nakamit na ni Princess Dianne ang hustisya na nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan matapos aminin ng suspek na todo-tanggi sa krimen nang iharap sa mga mamanahayag nang maaresto ito.

Huling nakitang naglalakad ang biktima umaga ng Hulyo 2 habang papasok sana sa kanyang trabaho sa bayan ng Pulilan.

Kaugnay nito,ilang netizen ang nagkomento sa Facebook post ng Malolos police tungkol sa pag-amin ng suspek na nagsabing sumasaludo sila sa aksyon ng pulisya habang ang iba ay naghahanap ng video na patunay na umamin at posibleng napilit lamang umano ang suspek na umamin. Dick Mirasol III