Suspension order vs ARTA chief, 4 pa tutugunan

Suspension order vs ARTA chief, 4 pa tutugunan

June 7, 2022 @ 8:21 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Susundin ni Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Jeremiah Belgica ang suspension order na ipinalabas ng Office of the Ombudsman sa gitna ng graft complaints laban sa kanya at sa apat na opisyal ng ARTA na isinampa ng telecommunication company.

Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang preventive suspension laban sa mga opisyal ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na sina Belgica, deputy director general Eduardo Bringas, division chief Sheryl Pura-Sumagui, at directors Jedrek Ng at Melamy Salvadora-Asperin

“This is to secure and guard the integrity of all documents so that we cannot influence the investigation,” ayon kay Belgica.

Ayon naman sa Ombudsman mayroong malakas na ebidensya laban sa mga respondent na inireklamo ng grave misconduct, gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service na maaaring magresulta sa kanilang pagkatanggal sa serbisyo.

“Thus, in order to secure the documents and to prevent possible harassment of witnesses and considering that their continued stay in office may prejudice the case filed against them, they are hereby placed under preventive suspension for a period of six months,” sabi ng utos ng Ombudsman.

Ang suspensyon ay kaugnay ng reklamong isinampa ng DITO Telecommunity Inc. sa mga opisyal ng ARTA kaugnay ng kanilang mga naging aksyon pabor sa NOW Telecom Company Inc.

Noong Setyembre 20, 2018, nagpalabas ng circular ang National Telecommunication Commission (NTC) para sa competitive selection process sa pagpili ng New Major Player (NMP) na nakuha ng DITO.

Ang NOW ay kumuha rin umano ng bidding document subalit hindi lumahok sa NMP Selection Process.

Noong Mayo 18, 2020 ay naghain umano ng reklamo ang NOW laban kay NTC Commissioner Gamaliel Cordova sa ARTA at hiniling ang automatic approval ng kanilang hiling na ibigay sa kanila ang frequency na napunta sa DITO.

Noong Marso 1, 2021, nagpalabas ang ARTA ng resolusyon at ipinag-utos ang automatic approval sa hinihinging frequency ng NOW.

Tinutulan ng DITO at NTC ang utos ng ARTA.

Sinabi ng NTC na ayon sa opinyon ng Justice Secretary ang pagdinig ng NTC ay quasi-judicial at hindi saklaw ng Automatic Approval Clause. Kris Jose