Suspensyon ng BSKE, ‘abuse of power’ – election lawyer

Suspensyon ng BSKE, ‘abuse of power’ – election lawyer

August 17, 2022 @ 2:52 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Umaasa ang isang election lawyer na ive-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang pagsuspinde sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections. Bumoto angHouse panel nitong Martes pabor sa suspensyon ng Dec. 5, 2022 BSKE ng isang taon.

“I hope na pag nasubmit kay Pangulo, ay hindi pirmahan ng Pangulo. Sana yan i-veto,” pahayag ni Atty. Romulo Macalintal.

Binanggit ng abogado ang ilang rason kung bakit hindi dapat ipatigil ang Barangay and Sangguniang Kabataan elections.

Aniya, sa ilalim ng Konstitusyon, pwedeng magdesisyon ang Kamara kung gaano katagal magsisilbi ang mga lokal na pinuno sa mga tao.

“Hindi sinasabi sa Saligang Batas na ang Congress ay may kapangyarihan na mag-postpone ng eleksyon,” giit niya.

“Pangalawa, ang sinasabi ng ating Saligang Batas, ang isang manunungkulan ay dapat merong mandato ng taumbayan. Kapagka pinostpone mo yan at sila ay na-extend o tinatawag na holdover capacity, eh wala silang mandato,” paliwanag pa ng abogado.

Sinabi ni Macalintal na nakasaad sa batas na kinakailangang makuha ng barangay officials ang mandato ng nga tao sa pamamagitan ng eleksyon.

“Ang sabi ng Korte Suprema, ang holdover means legislative appointment. Sa ilalim ng Saligang Batas, ang mga barangay officials, dapat elected, hindi appointed.”

Aniya, ang pag-extend sa termino ng mga lokal na opisyal ay maaaring naging sanhi ng pag-abuso sa kapangyarihan. “Ang kontrata nila sa atin 3 taon. Wala naman nakalagay sa balota na pagkatapos ng 3 taon, ie-extend kita. Hindi. Ang kontrata mo sa taumbayan ay 3 taon lamang.”

“Kaya hindi mo pwedeng i-extend yan dahil sa may pandemic, may ganyan, may ganito, eh pagkagayon ay pwede pala, eh what will prevent Congress from extending the term of the president, the vice president, senador, lahat na lang ng elected officials, gagawa sila ng kung ano-anong dahilan para lamang ma-extend ang kanilang term, mag-holdover sila,” giit pa niya.

“That will be abuse of power.” RNT/SA