Suspensyon ng Cessna ops ‘di kailangan – CAAP

Suspensyon ng Cessna ops ‘di kailangan – CAAP

February 21, 2023 @ 7:02 AM 1 month ago


Sa kabila ng dalawang kamakailang insidente ng sasakyang panghimpapawid na kinasasangkutan ng mga eroplano ng Cessna, sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na walang dahilan upang suspendihin ang kanilang mga operasyon sa bansa.

Sa nakalipas na dalawang buwan, tatlong magkakahiwalay na insidente na pagbagsak ng eroplano sa Pilipinas ang naitala at dalawa sa mga ito ay kinasangkutan ng Cessna plane na may sakay na mga pasahero.

Una ang pagkawala ng Cessna plane sa Isabela kung saan patuloy pa rin itong hinahanap, at ang isa ay ang pagkawala naman sa Bicol kung saan mayroong wreckage na natagpuan sa Mayon volcano. Kinukumpirma pa rin naman kung ito rin ang nauna nang eroplanong naiulat na nawawala.

Sa kabila ng mga insidenteng ito, sinabi ng CAAP na bihira lamang itong mangyari at walang dahilan para suspindihin ang mga Cessna planes sa pag-opera sa bansa.

“Kawawa naman ibang operator dahil masasama sila dun sa issue. Nag-operate sila ng maayos ng flying schools, ginagamit din ng mining companies. Kung iga-ground natin sila na hindi naman sila part ng investigation, it will be unfair for them also.” ani CAAP spokesperson Eric Apolonio.

Mula noong nilikha ang CAAP noong 2008, nakapagtala ang regulatory agency ng 157 na insidente ng sasakyang panghimpapawid, 40% nito ay kinabibilangan ng mga Cessna planes.

Batay sa datos ng CAAP, ang bilang ng mga insidente ng sasakyang panghimpapawid na naitala mula 2008 hanggang 2014 ay mula walo hanggang 20 sa isang taon.

Bumaba ang bilang sa mas mababa sa 10 sa isang taon mula 2015 hanggang 2018.

Ang tally ay bumaba sa average na lima sa isang taon mula noong 2020 simula ng pandemya hanggang 2022, na may isang insidente bawat taon na kinasasangkutan ng isang Cessna plane.

Ang mababang bilang, sabi ng CAAP, ay maaaring dahil din sa karamihan sa mga flight training school na nagsuspinde ng operasyon sa panahon ng pandemic lockdown. RNT