SUSPENSYON NG EXCISE TAX INILALABAN NG TODA PARTYLIST

SUSPENSYON NG EXCISE TAX INILALABAN NG TODA PARTYLIST

March 23, 2022 @ 11:01 AM 3 months ago


SA taas ng presyo ngayon ng gasolina, talagang kailangan na ang suspensyon ng pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo na inilalaban sa kasalukuyan ng TODA partylist, numero 41 sa balota.

May mga nagsasabing hindi ito maisasakatuparan dahil sa laki ng halagang mawawala sa kita ng pamahalaan. Ngunit, hindi ba’t dapat ding bigyang konsiderasyon na lupasay na ang ating mga kababayang nasa linya ng pamamasada sa taas ng presyo ng gasolina?

Tama ang TODA partylist na ngayon pa lamang sana bumabawi ang tricycle at jeepney drivers mula sa dalawang taong tumal sa kanilang trabaho dulot ng pagpapatupad ng mga resktriksyon upang iwasan ang hawahan ng COVID-19.

At ngayon nga, sumalubong sa kanila ang mala-gintong presyo ng gasolina na mas magpapaliit pa sa kakatiting nilang kinikita para ipambuhay sa kanilang pamilya.

Sa totoo lang din, hindi rin sapat ang ipamamahaging fuel subsidy o Pantawid Pasada ng pamahalaan dahil sa mahal ng gasolina ay agad din itong makukunsumo at magiging mabigat muli para sa kanila ang araw-araw na pagpapagasolina bilang puhunan sa kanilang paghahanap-buhay.

Alam nating ang mga tricycle drivers ay pasok sa low-income households kaya ano pa ang aasahan natin kung ganito ang kaganapang kailangan nilang harapin at labanan? Wala naman silang ibang pagpipilian kung hindi ang patuloy pa rin na pumasada at subukang kumita sa kabila ng napataas ng halaga ng gasolina.

Hindi bibitawan ng TODA partylist ang panawagang ito sa gobyerno dahil ramdam nito ang hinaing at hirap ng tricycle drivers at operators sa kasalukuyang lagay ng presyuhan ng produktong petrolyo.

Isa ang suspensyon ng excise tax sa makatulong na maibsan ang bigat ng pasanin ng ating mga kababayang nasa sektor ng pampublikong transportasyon kaya patuloy ang TODA partylist sa pagsusulong at pakikibaka para rito.