Suspensyon ng overseas voting sa Afghanistan, Ukraine pinag-aaralan ng Comelec

Suspensyon ng overseas voting sa Afghanistan, Ukraine pinag-aaralan ng Comelec

April 20, 2022 @ 7:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) ang posibleng pagsususpinde ng overseas voting o kaya ay pagdedeklara ng “failure of elections” sa Afghanistan and Ukraine.

Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni Comelec Director Sinoa Bea Wee-Lozada na hindi naman makakaboto ang mga rehistradong overseas voters sa dalawang bansa dahil na rin sa nagpapatuloy na mandatory repatriation doon.

“There are two other countries that we likewise have pending reports from the DFA that we need also to declare possible suspension or even failure of elections in those two countries, specifically Afghanistan due to the mandatory repatriation,” pahayag ni Wee-Lozada.

Ayon sa datos ng Comelec, mayroong 1,697,090 registered Filipino voters sa ibang bansa at kabilang dito ang 27 sa Afghanistan at 15 sa Ukraine.

Una nang sinuspinde pansamantala ng Comelec ang overseas voting sa Shanghai, China, dahil sa ipinatutupad na lockdown sa lugar bunsod ng muling pagsipa ng kaso ng COVID-19.

Sabi pa ni Wee-Lozada, kinansela na rin ang overseas voting sa mga bansang may security concerns gaya ng Algeria, Chad, Tunisia, Libya, at Iraq. RNT/ JCM