Suspensyon ng trabaho sa gov’t offices, eskwela sa NCR, 7 iba pang rehiyon aprubado na ni PBBM

Suspensyon ng trabaho sa gov’t offices, eskwela sa NCR, 7 iba pang rehiyon aprubado na ni PBBM

September 25, 2022 @ 5:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekumendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa suspensyon ng trabaho at klase, bukas, araw ng Lunes, Setyembre 26 dahil sa Super Typhoon Karding.

Base kasi sa pinakabagaong forecast track ng PAGASA, ang Super Typhoon “Karding” ay maaaring mag-landfall mamyang gabi sa bisinidad ng northern portion ng Quezon o eastern portion ng Aurora at maaaring lumabas ng Philippine Area of Responsibiity (PAR) sa araw ng Martes, Setyembre 27, 2022.

Dahil dito, inirekumenda ng NDRRMC ang suspensyon ng trabaho sa government offices sa National Capital Region (NCR) kabilang na ang mga lalawigan ng Region I, II, CAR, III, CALABARZON, MIMAROPA at V, araw ng Lunes, Setyembre 26.

Hindi naman kasama rito ang mga frontline agencies na nagbibigay ng emergency services.

“The identification of the Regions is based on the analysis determined from the NDRRMC’s Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA),” ayon sa liham ni chairperson NDRRMC at Defense Officer-in-Charge Senior Undersecretary Jose C. Faustino Jr. kay Pangulong Marcos.

Ang mga klase sa pampublikong paaralan sa lahat ng antas ay inirekumenda rin ng NDRRMC para sa suspensyon.

‘The same course of action for private companies,offices and schools is left to the discretion of their respective heads,” ayon pa rin sa rekumendasyon ng NDRRMC.

Para sa NDRRMC, the recommended suspension will prevent any untoward incidents and will ensure then safety of the general public.” Kris Jose