Suspensyon sa pagmimina sa Bulacan, inalis

Suspensyon sa pagmimina sa Bulacan, inalis

October 21, 2022 @ 7:17 PM 1 month ago


BULACAN – Pansamantalang inalis ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang suspensyon sa operasyon ng pagmimina at paghuhukay sa nasabing lalawigan.

Ayon kay Fernando, nakipagpulong siya sa may 350 operator ng trucking/ hauling companies, processing plants tulad ng crushing/ pulverizing/ cement/blasting companies, at bentonite/ boulders operators sa buong lalawigan, sa Hiyas ng Bulacan Convention Center para talakayin ang mahahalagang bagay na may kinalaman sa sa mga kanilang mga operasyon.

Pansamantalang inalis ng Gobernador ang Executive Order (EO) 21 series of 2022 at inilabas ang bagong Implementing Rules and Regulations (IRR) base sa environmental code na dapat sundin ng mga kinauukulang sektor.

Kasama rin sa pagpupulong ang Bulacan Environmental and Natural Resources Office (BENRO), sa pamumuno ni Atty. Juvic Degala para talakayin ang nilalaman ng bagong executive order at IRR bilang tugon sa pagkasira ng mga kalsada dulot ng overloading ng mga transport truck, gayundin ang sobrang dami ng mineral at iba pang mga kalakal na ikinakarga sa mga binagong truck loader.

Mariin sinabi ni Degalasa sa kanilang pagtalakay na kasama sa IRR ang pagbabawal sa mga modified trucks at ang sobrang dami ng mga karagang mineral.

Ipinagbabawal din ang “Kabit System” o ang umbrella operation ng mga operator kung saan kailangan nilang magbayad bawat isa ng permit sa pamahalaang panlalawigan.

Idinagdag ni Degala na ang IRR ay may “one-strike policy” para sa mga mayroon nang permit na maaaring sumailalim sa pagkansela o perpetual disqualification, at isang “three-strike policy”, na siyang pagpapatuloy o muling pagpapatupad ng EO 21.

Ginawa ang paghihigpit sa pagsunod sa mga aplikasyon ng permit para masunod ang pagbabayad ng wastong buwis ng mga ito na naaayon sa mga alituntunin.

Matatandaan na noong Agosto 24, 2022 ipinalabas ang Executive Order (EO) 21 series of 2022, na nagsasaad ng pagsuspinde sa lahat ng operasyon ng lahat ng permit para sa pagmimina, quarrying, dredging, desilting, at iba pang uri ng mineral extractive operations sa lalawigan para tugunan ang pagsasaayos ng mga sira-sirang kalsada at labis na pagmimina.

Nauna ng sinabi ni Fernando na ang pagpapatupad ng EO 21 ay magbibigay-daan sa nakabinbing pagsusuri ng pamahalaang panlalawigan upang matukoy at makabuo ng isang updated na matrix at mga patakaran para sa mga mining stakeholder at trucking companies. Mary Anne Sapico