Suspensyon sa SIM registration ipinanawagan

Suspensyon sa SIM registration ipinanawagan

January 11, 2023 @ 4:02 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagkasa ng kilos-protesta sa harap ng opisina ng
National Telecommunications Commission nitong Miyerkules, Enero 11 ang grupo ng mga tumututol sa SIM registration law.

Ayon sa Junk Sim Registration Network, nais nilang ipasuspinde ang SIM registration dahil sa privacy concerns dito partikular na ang selfie verification at iba pa.

“Itong SIM card registration law ay pahamak po sa mga mamayanan. Ito po ay pahirap sa kanilang privacy. Hindi natin masisiguro na ang kanilang mga datos ay malalagay sa mga kamay na ligtas,” sinabi ng tagapagsalita ng grupo na si Maded Batara III.

Dagdag pa niya, maraming mga Filipino partikular na ang mga mahihirap, na walang magamit na touchscreen phone, government ID o kaya ay mabilis na internet connection dahilan para mahirapan ang mga ito na iparehistro ang kanilang mga SIM card.

Anang grupo, kahit na ganap nang batas ang SIM Registration ay maaari pa rin itong maipasuspinde katulad na lamang ng batas na bumubuo sa Negros Island Region.

Sa ngayon ay nakikipag-usap na si Batara at ang grupo sa mga legal experts sa paghahain ng petisyon kaugnay nito.

“Ito po scam hindi po siya mawawala dahil sa SIM registration, maiiba lang mukha nila. Ngayon ang tanong po, ito po bang SIM card registration law, does it do more harm than good?” dagdag pa niya.

Ayon naman sa DICT, kakaunti lamang ang natatanggap nilang reklamo sa kanilang Hotline 1326 batay sa proseso ng SIM registration. RNT/JGC