SUV driver na sumagasa sa sekyu, no-show ulit sa LTO hearing

SUV driver na sumagasa sa sekyu, no-show ulit sa LTO hearing

June 10, 2022 @ 6:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sa ikalawang pagkakataon hindi muli sumipot ang drayber ng RAV 4 na nanagasa sa sekyu sa patawag ng Land Transportation Office (LTO) para dinggin ang panig nito.

Ayon sa Land Transportation Office (LTO), submitted for resolution na ang kaso at pagpapasyahan na ang parusang ipapataw sa RAV 4 driver kabilang ang revocation of license.

Sa naturang pagdinig, nilinaw ni LTO acting Director Clarence Guinto na ang nakarehistro at ang nagmaneho ng RAV 4 ay ang tatay na taliwas naman sa naibigay na impormasyon ng abogado sa Mandaluyong police na anak ang sakay nito.

Base sa record, isang Jose Antonio San Vicente ang nagma-may ari ng SUV na sangkot sa insidente.

Una na ring kinasuhan ang may-ari ng nasabing sasakyan ng frustrated murder ng Mandaluyong police office at abandonment of victim.

Sa sandaling hindi na naman sumipot sa City’s prosecutor office ang naturang may-ari ay irerekomenda ng investigation committee na isyuhan na ito ng warrant of arrest.

Samantala, hindi papipigil sa pagsasampa ng kaso ang security guard na si Christian Joseph Floralde na nakalabas na ng ospital.

“Tutuloy ko po ‘yung kaso para makamit ko po ‘yung hustisya na nararapat sa akin,” ani Floralde, na dinala sa intensive care unit para magpagaling. Sa ngayon, masama pa rin ang loob ko sa ginawa niya sa akin. Tinakbuhan niya ako, hindi man lang siya tumigil bagkus iniwan ako. Pero may Diyos tayo na marunong magpatawad at ang Diyos na ho ang bahala sa kanya,” batay sa video na inilabas ng Raptor Security Agency nitong Huwebes. Jan Sinocruz