SUV tinangay ng kawatan sa Tuguegarao City, natagpuan sa Isabela

SUV tinangay ng kawatan sa Tuguegarao City, natagpuan sa Isabela

November 20, 2022 @ 3:43 PM 1 week ago


MALLIG, ISABELA – Sa manhunt operation ng pulisya ay natagpuan ang sasakyang tinangay ng mga magnanakaw na nanloob sa bahay ng mag-asawang negosyante sa San Gabriel, Lungsod ng Tuguegarao, Cagayan.

Ayon kay PLtCol. Richard Gatan, hepe ng Tuguegarao City Police Station ay natagpuan ang inabandonang Toyota Fortuner na may plakang JES 18 na pagmamay-ari ng mag-asawang Jessie at Mildred Dela Cruz sa Raja Sulayman, San Gabriel, Tuguegarao City kagabi sa Mallig-Delfin Albano Road, Brgy Manano, Mallig, Isabela.

Nakumpirma ng pulisya na ang narekober na sasakyan ay pagmamay-ari at nakapangalan sa biktimang si Jessie Dela Cruz base sa nakitang OR at CR nito.

Bumungad sa mga rumespondeng pulis ng Mallig Police Station at Tuguegarao City Police Station sa nakabukas na panel window nito ang nagkalat na mga plastik at maging ang susi ng sasakyan ay iniwan din ng mga suspek sa ignition nito.

Matatandaan na dakong alas10:30 kagabi, Nobyembre 19 nang pwersahang pinasok ng tatlong suspek ang tahanan ng pamilya Dela Cruz at matagumpay na nilimas ang mga alahas, limang touch screen cellpone at hindi mabatid na halaga ng pera.

Sa takot ng biktima ay naibigay din nito ang susi ng kanilang Toyota Fortuner dahilan upang pati ito ay matangay din ng mga magnanakaw.

Wala umanong nagawa ang pamilya Dela Cruz kundi sumunod dahil pawang armado ang mga suspek.

Kaagad namang inalerto ng PNP ang lahat ng mga lugar na posibleng gamiting exit point na posibleng dahilan upang iwan na lamang ng mga suspek ang tinangay na sasakyan sa naturang lugar.

Hanggang sa ngayon ay patuloy ang pagtugis ng mga kapulisan sa mga tumakas na suspek. Rey Velasco