SWAB TEST SA PATAY AT TODO-BANTAY SA NAGMUMULA SA IBANG BANSA

SWAB TEST SA PATAY AT TODO-BANTAY SA NAGMUMULA SA IBANG BANSA

July 21, 2021 @ 11:37 PM 7 days ago

  •  
  •  
  •  

NITONG nakaraang dalawang linggo, may dalawang pinaglamayang patay ang natagpuang positibo sa coronavirus disease-19 o COVID-19.

Kasalukuyan namang positibo sa COVID-19 ang 12 na crew ng tugboat at barhe na galing sa Indonesia at nakadaong sa pier sa Albay.

Sa mga pangyayaring ito, dapat na may gagawing istriktong patakaran bilang panangga sa pagkalat ng pandemya.

Lalo na ngayong may Delta variant na mabagsik na, mabilis pang kumalat.

Nakikita ang bagsik at mabilis na pagkalat ng Delta variant ngayon mula sa India na pinanggalingan nito at sa Indonesia.

PATAY NA NAGPOSITIBO

Nang mamatay ang isang senior citizen sa Pangasinan kamakailan, minabuti ng kamag-anak niyang doktor na isilid ito sa plastic cadaver bag.

Pero kinunan ito ng sampol sa katawan para sa swab test at huuuuuwaaaa, positibo sa COVID-19 sa wala pang 24 oras na pagsusuri.

Isa namang babae ang namatay sa Bulacan at pangatlong araw na ng lamay nang ideklara itong positibo.

Pero ang nangyari sa Antique ang nakababahala dahil tatlong linggo o mahigit pa bago nalamang Delta variant pala ang ikinamatay nito.

Unang sinwab test ang biktima at kasunod nito ang pagpapadala ng sample tissue nito sa Philipping Genome Center sa University of the Philippines na nagsabing Delta variant ang ikinamatay nito.

ANG MGA NASA TUGBOAT, BARHE

Kumpirmadong 12 sa crew ng tugboat at barhe sa Albay ang positibo sa COVID-19.

Hindi natin alam kung ano ang ginagawa ngayon ng mga awtoridad, lalo na sa pag-alam kung may taglay o walang Delta variant ang mga ito.

Sa kaso ng M/V Athena Bridge na dumaong sa Manila Bay nitong nakaraang buwan na nauugnay sa biyaheng India, nakitaan ang ilan sa mga ito ng Delta variant at isa nga sa kanila ang namatay.

Malamang na didiretso ang sample tissue ng mga crew ng tugboat at barhe naman sa PGC dahil galing ang mga ito sa Indonesia na inaatake ng Delta variant.

ANO ANG MGA GAGAWIN?

Istriktong pagpapatupad ng mga health protocol ang isang gagawin dito, kabilang na ang border control.

Laman ng border control hindi lang ang pagharang ng mga pumapasok sa bansa, Pinoy man o dayuhan mula sa mga inaatake ng grabeng pandemya, kundi pati ang pagpapatupad ng istriktong kwarantina sa mga nakapapasok sa bansa.

Ginawa ito sa mga crew ng M/V Athena Bridge at dapat gawin din ito sa dalawang sea vessel sa Albay.

Lalo na sa parte ng mga Filipino na crew.

Ang mga dayuhan, pwedeng ipabalik kaagad sa kanilang bansa, gaya ng pagpapabalik sa Pilipinas ng South Korea ng dalawang Pinoy na positibo sa COVID-19 kamakailan lamang.

Itong PGC ay dapat palakasin nang todo sa pondo, tauhan, pasilidad at iba pang mga pangangailangan nito para mabilis itong makatugon sa tungkuling pagsusuri ng mga biktima ng COVID-19.

Nakadepende sa PGC ang pag-aksyon ng Department of Health at ng buong Inter-Agency Task Force o buong pamahalaan.

Paigtingin din nang todo ang pagbabakuna at pagsunod sa mga health protocol, kasama na ang pagsusuot ng face mask, social distancing, pagkwarantin at contract tracing.

PATI PATAY I-SWAB TEST AT CREMATION

Dapat na ring ugaliin ang agarang pagpapa-swab test sa mga namamatay upang maiwasan ang hawaan, gaya ng ginawa ng doktora sa Pangasinan.

Hindi dapat maulit nang maulit ang nangyari sa Bulacan na nalaman na lang na positibo ang biktima makaraan ang tatlong araw na lamayan.

May problema nga lang na malaki rito – ang napakamahal na pagpapa-swab test na isa sa mga iniiwasan, lalo na ang mga mahihirap.

Naniningil ang mga pribadong ospital o doktor ng nasa P6,000 kada swab test na mabigat sa mga mahihirap.

Lalong napakabigat ngayon ang P90,000 na bayarin sa pagpapa-cremate.

Panukala nating mahigpit na umalalay ang pamahalaan, national at local government units, sa mga bagay na ito.

Para sa mga mayayaman, halos hindi nila iniinda ang mga gastos na ito.

Pero sa mga mahihirap, kahit pa ang mga kumikita nang kaunti, ay sadyang napakabibigat ng mga pampinansyang obligasyong ito.

PASASALAMAT SA MALASAKIT CENTER

Hindi masukat ang pasasalamat ng mga biktima ng COVID-19 sa Malasakit Center na nilikha sa pamamagitan ng batas na inakda ni Senador Christopher ‘Bong’ Go.

May mga daang libong bayarin ng mga mahihirap sa mga ospital ang nabubura sa bisa ng Malasakit Center.

Pero itong katulad ng napakamahal na cremation ang isang malaking problema, kasama ang mga gastusin na hindi yata sakop ng Malasakit Center.


  •  
  •  
  •