Swapang na carnapper kalaboso sa GPS ng cellphone ng biktima

Swapang na carnapper kalaboso sa GPS ng cellphone ng biktima

September 7, 2022 @ 3:59 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nasakote sa Caloocan City ang isang swapang na carnapper matapos na pati cellphone ng kanyang biktimang lingid sa kanyang kaalaman ay may global positioning system (GPS) na nagturo sa kanyang kinaroroonan, habang nakatalilis ang kanyang kasabwat sa Caloocan City.

Ayon sa Northern Police District (NPD), natiklo sa Quirino Highway, Pangarap Village, ng lungsod dakong alas-11 ng gabi noong Setyembre 5 si Mark Chris Oliva Huttala, habang nakapuslit ang kasabwat nakilalala lang sa alyas na “Rogie Bugnot.”

Ito ay matapos magreklamo ang biktimang si Alex Roberto Ursal Tiro, 53, online ride-hailing app driver, na ninakaw ang kanyang itim na Suzuki Zias noong nasabi ring gabi.

Napag-alamang sinamantala ng mga suspek ang paghinto ni Tiro para ilipat sa kanyang bank account ang pera mula sa kanyang online wallet app at pwersahang sumakay sa nasabing sasakyan.

Isa umano sa mga kawatan ang pumwesto sa likuran ng biktima at tinutukan siya ng patalim sa leeg, habang ang isa pa na armado naman ng baril ay tumabi sa biktima sa unahan ng sasakyan at pinalipat si Tiro sa likuran.

Dito ay hinawakan na ng gunman ang manibela at tumungo sa San Jose del Monte, Bulacan, at iniwang parang basahan ang biktima sa Rosana Heights, San Jose del Monte, saka humarurot patakas.

Walang kamalay-malay ang mga suspek na nasundan ng mga pulis ang kanilang kinaroroonan sa San Jose del Monte, Bulacan, sa pamamagitan ng GPS ng cell phone ng biktima na pina-interesan din ng mga kawatan.

Pagsapit sa Evergreen Subdivision sa Brgy. Gaya-gaya, San Jose del Monte, nakita ng biktima ang mga suspek na parang walang nangyaring naglalakad, ngunit nang maispatan ng mga suspek ang mga parak ay kumaripas ang mga ito at matapos ang habulan ay nasukol si Huttala ngunit tuluyang nakapuslit ang isa pang suspek.

Wala nang nagawa si Hutalla kundi umamin sa ginawang krimen at nabawi ang ninakaw na sasakyan sa Crispulo St., Mountain Heights, Brgy. 180, Caloocan City.

Dinala ang dinakip sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium sa Tala, Caloocan City para sa medical examination bago binitbit sa Amparo Police Sub-Station 15 para sampahan ng kaukulang kaso. Merly Iral