SWAT patrol car, napag-tripang karnapin ng senglot na lalaki

SWAT patrol car, napag-tripang karnapin ng senglot na lalaki

July 2, 2018 @ 5:07 PM 4 years ago


Cebu – Isang police patrol car ng Special Weapon and Tactics (SWAT) ng Cebu City Police Office (CCPO) ang umano’y tinangay ng lasing na lalaki sa Cebu kamakalawa ng gabi.

Subject ngayon ng malawakang pagtugis ng pulisya ang 25-anyos na lalaki na si Ricarti Cantano ng Purok Cadahu-an, Barangay Lutac, Naga City, Cebu.

Base kay Police Chief Insp. Roderick Gonzales, chief of police ng Naga, kahit pa na narekober nila ang tinangay na SWAT patrol car ay hindi lusot ang suspek sa kasong carnapping.

Una umanong tinangay ng suspek ang nasabing sasakyan sa Barangay Lutac at kalaunan ay inabandona sa isang quarry site sa Barangay West Poblacion.

Pero bago ang insidente, si Cantano ay target ng isang reklamo sa umanoy pambubugbog nito sa isang 15 anyos na babaeng live in partner nito.

Rumesponde sa reklamo ang dalawang pulis na lulan sa ninakaw na police car kasama ang isang kinatawan ng social worker.

Lasing umano si Cantano nang madatnan ng mga pulis sa bahay kaya naman agad na isinakay ang magkasintahan sa sasakyan.
Subalit ng maipasok na sa patrol car ang suspek, pinag-uuntog umano nito ang sarili sa upuan.

Dahil dito ay bumaba ang mga pulis at inilipat umano ang 15-anyos na kinasama ng suspek sa likod na bahagi ng patrol car kaya’t naiwan si Cantano sa harap na kung saan ay bigla na lamang nitong minaneho at pinaharurot palayo. (Jeff Gallos)

(Photo courtesy of Chief Inspector Roderick Gonzales)