Sweldo, benepisyo sa PNPA cadets ipinanukala

Sweldo, benepisyo sa PNPA cadets ipinanukala

January 8, 2023 @ 4:28 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Dapat umanong ikunsidera na bigyan ng sahod at benepisyo ang mga kadete ng Philippine National Police Academy katulad ng tinatamasa ng isang empleyado ng pamahalaan.

Sa ganitong paraan ay magbibigay ito ng motibasyon sa mga kadete na mas pag-igihan pa ng mga ito ang paglilingkod sa bansa.

Dahil dito ay naghain ng panukalang batas o ang Senate Bill No. 1596 o ang PNPA Cadet Act si Senador Ramon Revilla Jr.

“By granting them benefits that boost their morale, it will pave the way for the improved performance of their duties and responsibilities,” saad sa explanatory note nito.

Ang PNPA ay itinatag noong Agosto 26, 1977 na isang premyadong lawa enforcement academy sa bansa.

Nakakakuha ng degree sa Bachelor of Science in Public Safety at may ranggong Lieutenant ang mga magsisipagtapos mula dito, at kalaunan ay maaari rin silang makapagtrabaho sa Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection.

Sa ilalim ng panukala, ikukunsiderang empleyado ng pamahalaan ang mga kadete at magkakaroon sila ng sahod na hindi tataas sa isang PNP Lieutenant ngunit hindi bababa sa sahod ng isang Master Sergeant, kabilang ang mga benepisyo at prebilehiyo ng mga ito alinsunod sa umiiral na batas.

Renewable din ito sa bawat academic year hanggang sa makapagtapos na ang mga kadete.

Sa oras naman na magkasakit at mamatay habang nasa training ang isang PNPA cadet at mabibigyan din ito ng kaparehong benepisyo ng isang regular na PNP personnel.

Maaari naman na i-renew batay sa pag-apruba ng National Police Commission ang isang kadete na mapapatawan ng suspensyon sa oras na makabalik ito.

Dapat naman na sumailalim sa uninterrupted eight years of service sa PNP ang isang PNPA graduate dahil kung magbibitiw bago pa ang itinakdang taon na obligasyon nito ay dapat na ibalik ng isang kadete ang kabuuang halaga na tatanggapin nito sa naturang programa. RNT/JGC