Swimmers, para-triathletes panauhin ng TOPS

Swimmers, para-triathletes panauhin ng TOPS

August 24, 2022 @ 2:09 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Dalawang umaangat na junior swimmers at apat na Para triathletes ang maglalahad ng  kanilang mga karanasan at pakikibaka sa larangan ng aquatic sports sa pagbabalik ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong Huwebes (Agosto 25) ganap na 10:30 ng umaga sa Behrouz Restaurant sa Timog, Quezon City.
Sa kabila ng mga kapansanan, tuloy ang laban sa minimithing tagumpay at karangalan nina Godfrey Esperanzate Taberna, Calib Sim Jr., Raul Q Angoluan at Jake Lacaba sa mga premyadong local triathlon competition kabilang ang katatapos na Mt. Mayon Triatlon Championship sa Legaspi, Albay.
Nasa pangangasiwa ni FINIS Philippines Managing Director Vince Garcia ang pagsasanay at partisipasyon ng apat na naghahangad na maging bahagi ng National Team sa hinaharap.
Sentro naman ng atensyon sa swimming community sina Jamesray Mishael S. Ajido at Jordan Ken Lobos na kapwa nakapagtala ng mga bagong marka sa junior level.
Naitala ng 13-anyos na si Ajido, miyembro ng Antipolo Gems Sea Scorpions ni coach Ramil Ilustre at Grade 7 student sa Montessori Integrated School, ang mga bagong junior record sa 100-m Fly (58.82), 200-m Individual Medley (2:15.87), 400- IM (4:58.71), 200-m Back (2:17.09), 50- Fly (26.95) at 100- Back (1:03.28) sa sere ng kompetisyon ng Philippine Swimming Inc.
Nalagpasan naman ng 17-anyos na Ken, miyembro ng Swim League Philippines-Behrouz Elite Swimming Team ni coach Virgil De Jesus, ang 17-taong record sa Boys 200-m Breaststroke Philippine Junior National Record ni Gerardo Bordado (2:22.23) na naitala sa 28th SEA Age Group Swimming Championships noong Hunyo 6, 2004, sa bilis na 2:21.40 sa ginanap na PSI Selection Bubble noong October 24, 2021 sa Clark.
Inaanyayahan ni TOPS president Maribeth Repizo-Santos ang mga opisyal at miyembro, gayundin ang mga sports enthusiast na makiisa sa lingguhang talakayan sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB), PAGCOR at Behrouz Restaurant.RICO NAVARRO