SWS: Wala pang kalahati ng mga Pinoy, naniniwalang bubuti ang buhay sa sunod na taon

SWS: Wala pang kalahati ng mga Pinoy, naniniwalang bubuti ang buhay sa sunod na taon

June 25, 2022 @ 12:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Mas mababa pa sa kalahati ng mga Pilipino sa hustong gulang ang positibo na bubuti ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan, ayon sa sarbey ng Social Weather Stations (SWS).

Batay sa poll, 44 porsyento ng respondents ang “optimists”, kung saan 39 porsyento ang nagsabing walang magbabago sa kalidad ng kanilang buhay, at 4 porsyento ang nagsabing mas lalala pa ito, habang 13 porsyento ang tumangging sumagot sa sarbey.

Ang Net Personal Optimism score ay +39, na ayon sa SWS ay “very high.” Mas mababa ito ng tatlong puntos mula sa +42 noong Disyembre 2021 at limang puntos na mas mababa kumpara sa +44 na naitala bago ang pandemya noong Disyembre 2019.

Isinagawa ang SWS survey noong Abril 19-27, 2022 sa 1,440 adults, tig-360 mula Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao, sa pamamagitan ng face-to-face interview.

Ang sampling error margins naman ay ±2.6 porsyento para sa national percentages at ±5.2 porsyento para sa Balance Luzon, Metro Manila, the Visayas, at Mindanao, base sa SWS.

Samantala, halos ikatlong bahagi ng mga Pilipino ang nagsabing lumala ang kalidad ng kanilang buhay 12 buwan ang nakalipas, ayon sa isa pang SWS survey na ipinalabas nitong nakaraang linggo. RNT/SA