SYENSYA SA GOBYERNO

SYENSYA SA GOBYERNO

July 20, 2022 @ 6:50 PM 4 weeks ago


ITINALAGA na ni Presidente Ferdinand Marcos, Jr. bilang Kalihim ng DENR si Ma. Antonia Yulo-Loyzaga.
Mas kilala bilang “Toni” sa sirkulo ng mga akademiko at mga eksperto sa disaster at resilience, dala-dala ni Yulo-Loyzaga ang dekadang karanasan at research discipline. Sa totoo lang, impressive talaga ang resume at mga naging karanasan niya.

Mahigit sampung taon syang direktor ng Manila Obsevatory sa Ateneo de Manila University, mula 2007 hanggang 2017, kung saan nagpaka-dalubhasa sya sa ugnayan at epekto ng nagbabagong klima o climate change sa mga disaster na hinaharap natin.Sabi ng isang environmentalist sa akin, kung papansinin natin, ito yong mga panahon na tumama si Bagyong “Ondoy” sa Metro Manila at Rizal (2009), si “Sendong” na rumagasa sa mga ilog ng Cagayan de Oro noong 2011, si Typhoon “Pablo” na sinalanta ang Davao Region (2012) , at ang bangungot na dala ni Super-Typhoon Yolanda noong 2013.

Sigurado ako, ang daming aral na nakuha ni Yulo-Loyzaga sa mga panahong iyon, na dala nya ngayon sa Department of Environment and Natural Resources.

Tingin ng mga makakalikasang grupo na medyo mabuti pero may halong konting pangamba sa pagtatalaga kay Yulo-Loyzaga bilang kalihim ng DENR.

Ang plus points ay ang pagiging eksperto at scientist ni Yulo-Loyzaga. Umaasa ang marami na ibabatay niya ang mga polisiya at direksyon sa DENR, base sa mga datos at ebidensya.

Sa kabilang banda, ito ang unang political appointment ni Yulo-Loyzaga, at magandang bantayan kung paano nya haharapin ang mga political pressure sa pag-approve ng permits ng pagmimina, dams, reclamation projects at iba pang dambuhalang proyekto na meron epekto sa kalikasan natin.

Iba pa ang usapin ng politika sa loob ng DENR.

Sa huli, umaasa tayo na maging matagumpay si Yulo-Loyzaga. Kailangan ng bansa natin ang mga tulad nyang may disiplina sa syensa na naglilingkod sa gobyerno, para bigyan ng tunay na pag-asa ang tamang pangangalaga at paggamit ng likas-yaman natin.