Taas-pasahe sa bus, inaaral na ng LTFRB

Taas-pasahe sa bus, inaaral na ng LTFRB

July 29, 2022 @ 10:51 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nirerebyu na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon ng mga operator ng bus para taasan ang minimum fare para sa mga public utility bus (PUB) sa isang en banc hearing nitong Huwebes.

Sa joint petition ng Southern Luzon Bus Operators Association, Nagkaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panglalawigang Bus sa Pilipinas, at Samahang Transport Operators ng Pilipinas Inc., humiling sila ng P20 minimum fare para sa unang limang kilometro sa mga air-conditioned na bus mula P13, at singil na P3.40 kada kilometro na lampas sa limang kilometro.

Nanawagan din sa petisyon ang pagtaas ng minimum fare sa mga ordinaryong bus mula P11 hanggang P15, na may singil na P2.70 kada kilometro.

Para naman sa provincial PUB, humiling sila ng P15 na minimum fare sa mga ordinaryong bus na may singil na P2 kada kilometro. Sa air-conditioned na PUB, ang singil ay P2.50 kada kilometro para sa mga regular na air conditioned bus, P2.60 kada kilometro para sa De Luxe, P2.70 kada kilometro para sa Super De Luxe, at P3.60 kada kilometro para sa Luxury.

Anang mga bus operator, ipinatupad ang kasalukuyang fare matrix sa mga PUB na nakabase sa P44 pa kada litro ang presyo ng langis noong 2018.

“Fuel cost tumaas, nagdoble yung presyo. Hindi pupwedeng hindi kami magtaas dahil baka hindi masustain ang operation namin,” ani Juliet De Jesus ng Mega Manila Consortium Corporation said.

“Ang tyansa dito kung mabigyan kami ng increase baka maparami ang tatakbo,” ani Atty. Cesar Cainglet, abogado ng mga operator ng bus.

Bilang tugon, sinabi ng LTFRB na bagama’t nauunawaan nito ang pangangailangan ng mga PUB operators na gawing sustainable ang kanilang kabuhayan, ang pagtaas na kanilang hinahangad ay dapat na balanse sa kapasidad ng mga commuter na sagutin ang pagtaas.

“That is one of the commitments that as long as matugunan yung fare adjustment nila at reasonable naman at saka yung isa sa mga hinihingi nila kanina yung mabalik yung mga dati nilang route para mas maging viable ang pagpapasada nila,” ani LTFB chair person Cheloy Garafil. RNT