Taas-pasahe sa MRT3, posible kahit walang privatization

Taas-pasahe sa MRT3, posible kahit walang privatization

November 9, 2022 @ 12:43 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Posible pa rin ang taas-pasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) kahit hindi ito maisasapribado.

Ito ang nilinaw ng Department of Transportation (DoTr) nitong Miyerkules, Nobyembre 9 matapos ang pagpapaabot ng pagkabahala ng publiko sa planong privatization sa MRT-3 upang mas mapabuti ang serbisyo.

Ani DOTr Undersecretary Cesar Chavez, may privatization o wala ay posible ang pangambang dagdag sa pamasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng spare parts at ng kuryente.

“Even under the government, kahit sa ngayon, minsan ay hindi maiiwasan ang fare increase not because of private support o private intervention. Sapagkat tumataas ang halaga ng mga piyesa sa buong mundo, tumataas din ang kuryente,” pahayag ni Chavez sa panayam ng DZBB.

“It is not only necessary but inevitable that at a certain point in time, ay kinakailangang itaas ang pamasahe. Ang tanong na lang, magkano ang itataas at ano ang kapalit nito–magandang serbisyo,” dagdag pa niya.

Ang planong pagsasapribado ng MRT3 ay isa sa mga suhestyon na pinag-aaralan din ng pamahalaan dahil sa nalalapit na pagtatapos ng build-lease-transfer contract ng Metro Rail Transit Corporation sa 2025.

Ani Chavez, ang usapin patungkol dito ay nasa lebel pa rin ng DOTR at kalaunan ay tutuloy sa National Economic and Development Authority (NEDA).

“Posibleng magkaron tayo financial adviser para mas technically and financially competent ang maga-advise satin kung anong pwedeng business model ng MRT3 by 2025 and beyond,” aniya.

Ibinahagi rin ni Chavez na nagbabayad ang pamahalaan ng nasa P150 milyon kada buwan para sa maintenance at operasyon ng MRT3 samantala ang kinikita naman nito ay nasa P80 milyon hanggang P150 milyon kada buwan.

Dahil dito ay nangangailangan talaga ang pamunuan ng malaking subsidiya mula sa pamahalaan.

“Batay sa [Republic Act] 9184 at sa Commission on Audit, makakabili lang ng capital spares at ordinary spares yearly,” sabi pa ni Chavez.

“It will take at least eight months na makarating dito pagkatapos ng procurement…Ang gobyerno limitado kapag annual budgeting procedure ‘yan. Pero ‘pag private sector, multiyear bulto-bulto pwede sila mag-procure. Therefore, mas nagiging efficient sa kanila,” dagdag pa niya. RNT/JGC