Taas-presyo na naman sa produktong petrolyo bukas!

Taas-presyo na naman sa produktong petrolyo bukas!

January 30, 2023 @ 2:31 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Masamang balita na naman ang sasalubong sa huling araw ng buwan ng Enero sa mga motorista dahil muling magpapatupad ng dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng oil price hike na P1.30 sa kada litro ng gasolina, P1.00 sa kada litro ng diesel, at P1.35 sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 ng umaga.

May dagdag presyo din sa kahalintulad na halaga ng mga produktong petrolyo ang kompanyang Caltex (CPI) na magiging epektibo alas-12:01 ng madaling araw at CleanFuel na magiging epektibo alas-4:01 bukas ng hapon.

Ang ipatutupad na oil price hike sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nito lamang nakaraang linggo ay nagpatupad ng malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na P2.80 sa kada litro ng gasolina, P2.25 sa kada litro ng diesel, at P2.40 sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes