TAAS PRESYO NG BILIHIN DULOT NG INFLATION RATE

TAAS PRESYO NG BILIHIN DULOT NG INFLATION RATE

December 12, 2022 @ 10:24 AM 2 months ago


MALAKING hamon ngayon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung paano tutugunan ang mataas na inflation rate na dahilan ng patuloy na pagsipa ng pangunahing bilihin sa merkado.

Kasimbilis nga naman ng eroplano sa himpapawid ang pagsirit ng inflation kung saan noong unang bahagi ng taon ay nasa 5 porsyento lang ito samantala biglang sumipa hanggang 8 porsyento nitong Oktubre na sadyang pahirap na ngayon sa nakararaming kababayang unti-unti pa lang bumabangon mula sa krisis dulot ng pagsabog ng pandemya tatlong taon na ngayon ang nakaraan.

At inaasahan pa ang pagtaas ng presyo ng iba pang Agri-products ngayong Kapaskuhang madalas nangyayari bunsod na dumarami rin ang namimili sa mga merkado para sa payak na Noche Buena ng mga pamilyang naging tradisyon na ang okasyon ito sa ating bansa.

Bagaman ang tuloy-tuloy na pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo ang itinuturong salarin ng pandaigdigang krisis dulot ng giyera sa Ukraine na itinuturing na pangunahing supplier ng krudo’t gasolina ng mga developing country kabilang ang ‘Pinas subalit kapag hindi maglatag ng konkretong hakbang ang pamahalaan upang tugunan ang pagtaas ng inflation rate dito,mas lalo pang magpepenitensya ang nakararaming kababayan sa mga darating na araw.

Kabilang sa mga solusyon ng kasalukuyang administrasyon ang pag-kumbinsi sa foreign investors na magnegosyo sa bansa upang makapag-bukas ng panibagong trabaho sa mamamayang halos tatlong taon din na nawalan ng pinagkakakitaan bunsod nang pagsasara ng mga pabrika sa bansa.

Maging ang pagpapalakas ng programa hinggil sa Agrikultura ni PBBM ang magtutuldok sa nakalululang importasyon ng gobyerno ng isda’t gulay na sadyang napakamahal na sa pandaigdigang merkadong inaayawan na rin ng bansa ngunit pilit na umaangkat upang matugunan ang kakulangan ng suplay rito.

Hindi ba’t pabor sa mga magsasaka’t mangingisda kung mangyari na nga plano ni PBBM na itodo ng gobyerno ang suporta sa mga sektor na itong pinaniniwalaang malaking ginhawa sa sambayanang mabibili na ang pangunahing bilihin sa mababang presyong magpapasigla pa sa takbo ng ekonomiya dahil hindi na tayo aasa pa sa importasyon?

Ibig sabihin, maiibsan ang pagtaas ng inflation rate kung may sapat na suplay ng pagkain ang taumbayan mula mismo sa loob ng ating bansa kung saan mas lalong gaganda pa ang takbo ng ekonomiya kung tayo naman ang mag-export sa mga karatig bansa tulad noong dekada 70.