Taas-presyo sa cake, asahan sa pagmahal ng itlog

Taas-presyo sa cake, asahan sa pagmahal ng itlog

January 17, 2023 @ 7:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Posibleng tumaas ang presyo ng cake at iba pang pastries -gaya ng mamon, ensaymada, sans rival, silvanas at egg pie- sa pagtaas ng presyo ng itlog sa pamilihan.

Inihayag ito ng Philippine Baking Industry Group (PhilBaking) nitong Martes, at binanggit ang mga hamon na kinahaharap dahil sa mataas na presyo ng isa sa pangunahing sangkap.

“The baking industry is greatly affected by the recent increases in egg prices. But this has been going on for more than six months now,” pahayag ni PhilBaking president Jerry Lao.\

“In cakes, we use more eggs than cake flour. Cakes, cupcakes are greatly affected,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Lao na kailangang magdagdag ng P1 para sa 50-gram cupcake para sa kada P2 dagdag sa presyo ng itlog, subalit nilinaw na magkakaiba ang kalkula ng bakers sa para sa kanilang mga recipe.

Sinabi naman ni Asosasyon ng Panaderong Pilipino president Lucito Chavez sa hiwalay na panayam nito ring Martes na hamon sa kanila hindi lamang ang mahal na itlog maging asukal.

“We are still doing costing on the price changes in eggs, sugar, cooking oil, yeast,” ani Chavez nang tanungin kung magkano ang kinakailangang price hike para sa mga produkto.

Sinabi niya na kakalkulahin muna nila ang pagbabago sa presyo ng lahat ng sangkap bago magpatupad ng price hike, at sinabing mas gusto nila ang one-time adjustment sa halip na serye ng maliliit na pagbabago.

“You can’t raise prices multiple times. You can only raise it once or maybe twice a year,” paliwanag ni Chavez.

Kapwa sinabi nina Lao at Chavez na tumaas ang presyo ng itlog mula P155 hanggang P160 kada tray noong 2021 sa P215 kada tray.

Ani Chavez, dahil ito sa mas mataas na input costs ng patuka at logistics.

“Our biggest fear is on the supply, as there were rumors six months ago that there will be a shortage because of problems in the production side,” ayon pa kay Chavez.

Mula 2022, problema na ng administrasyong Marcos na pababain ang presyo at tiyakin ang sapat na suplay ng ilang bilihin, gaya ng asukal at sibuyas. RNT/SA