Taas-presyo sa Pinoy Pandesal, Pinoy Tasty inihirit ng bakers group

Taas-presyo sa Pinoy Pandesal, Pinoy Tasty inihirit ng bakers group

October 15, 2022 @ 11:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihirit ng Philippine Federation of Bakers’ Association Inc. (PFBAI) nitong Sabado na itaas ang presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal dahil sa epekto ng mababang presyo ng nasabing tinapay sa benta ng community bakeries.

Sinabi ni PFBAI spokesperson Chito Chavez na hinihiling ng grupo sa Department of Trade and Industry (DTI) mula Agosto 2021 na dagdagan ang presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.

Mas mura ang Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal kumpara sa ibang tinapay. Ginawa ang mga nasbaing produkto bilang corporate social responsibility program sa pagitan ng DTI at Philbaking na inilunsad noong 2010.

Kabilang sa mga miyembro ng Philbaking ang top brands gaya ng The French Baker, Gardenia Philippines, Julie’s, at iba pa.

“Ang presyo po nito sa kasalukuyan ay sobrang napakababa na… P38.50 at 450 grams po ang Pinoy Tasty habang P23.50 ang sampung piraso ng Pinoy Pandesal na 25 grams,” sabi ni Chavez.

Aniya, inihirit ng PFBAI ang P4-price increase sa Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.

“Humihina kami sa baba because of that corporate social responsibility,” base kay Chavez.

“Ang presyo ng pandesal ang nagiging basehan ng mga consumer. Bakit ang Pinoy Pandesal mababa? Bakit ang pandesal sa community bakery mataas? Ito po ang nagiging confusion para sa amin na nagbebenta sa baba sa community bakers. Nagiging suliranin po namin ito,” dagdag niya.

Ayon kay Chavez, kung hindi tataasan ang presyo ng Pinoy Pandesal at Pinoy Tasty, hinihikayat ng grupo sa producers na ipaliwanag kung bakit mas mura pa rin ito kumpara sa mga ibinebenta ng community bakers.

“Para maliwanagan ang mga tao na hindi naman nandadaya ang mga community baker when it comes to pricing ng aming pandesal,” aniya. RNT/SA