Taas-presyo sa produktong petrolyo, nagbabadya sa sunod na linggo

Taas-presyo sa produktong petrolyo, nagbabadya sa sunod na linggo

January 14, 2023 @ 1:56 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Matapos ang ipinatupad na malakihang bawas presyo sa mga produktong petrolyo nitong nakaraang linggo, asahan naman ang pagbawi nito dahil sa napipintong pagpapatupad ng oil price hike sa darating na linggo.

Batay sa oil trading sa nakalipas na limang araw nitong Enero 9 hanggang Enero13, sinabi ng source ng industriya ng langis na maaaring tumaas ng P0.30 hanggang P0.50 ang presyo kada litro ng diesel at gasolina habang hanggang sa ngayon ay wala pang nakikitang paggalaw sa presyo ng kerosene.

Karaniwang nag-aanunsyo ng price adjustments ang mga kumpanya ng langis tuwing Lunes, na ipapatupad sa susunod na araw.

Matatandaan na nito lamang nagdaang Martes, Enero 10, ay nagpatupad ng bawas presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na P0.75 sa kada litro ng gasolina, P2.80 sa kada litro ng diesel, at P2.10 sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes