Taas-sahod sa gov’t reporters hirit ni Tulfo

Taas-sahod sa gov’t reporters hirit ni Tulfo

August 18, 2022 @ 7:25 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Senator Idol Raffy Tulfo ang Office of the Press Secretary (OPS) na taasan ang suweldo ng mga mamamahayag na nagtatrabaho sa mga government-owned media networks upang mas mapaganda ang kanilang performance sa trabaho.

Sa organizational meeting ng Committee on Public Information and Mass Media, Lunes, Agosto 15, sinabi ni Idol Raffy na dapat na din iproseso ng gobyerno ang mga hindi pa nababayarang kompensasyon o mga benepisyo ng state-employed media practitioners, partikular ang mga nagtatrabaho sa PTV 4.

“Ang mga taga-gobyerno na mga reporters, tulad ng PTV 4, ay ang frontline pagdating sa disseminating proper information from the government kaya dapat sila ay well-paid at well-taken care of, pero sa nangyayari ngayon, hindi po, eh. Sila po ay aping-api. Ayuisin natin ang pasweldo sa kanila,” ani Tulfo.

“Tulad ng reporters sa PTV 4, bakit below industry standards ang pasweldo sa kanila? Kung hindi sila bibigyan ng maayos na sweldo, how can they properly disseminate correct information to the masses kung sila ay demoralized?” dagdag ng Senador na isa ring batikang broadcast journalist na nagtrabaho sa PTV 4 noon.

Dinirekta ni Tulfo kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang kanyang mga concerns na sinangayunan naman ang senador.

Sinabi ng senador na ang mababang suweldo na ibinabayad sa mga reproters at journalists ay maaaring humantong sa kanilang hindi patas na paguulat.

“There are some instances na dahil kulang ang pasweldo at kulang ang benepisyo, marami sa kanila ay napipilitan na lumapit po sa politiko sa mga taga-gobyerno para sa pang gamot sa kanilang mga anak, pambili ng bigas or sometimes kapag mayroon silang emergency, they need help for their family,” aniya Tulfo.

“Once that happens, sila po ay indebted sa politiko na tumulong sa kanila so nagiging bias na po minsan ang kanilanh reporting,” dagdag niya.

Para kay Tulfo, dapat palakasin ng government-owned networks ang kanilang news and public affairs programs upang mapataas ang kanilang viewership. Ernie Reyes