Taas-singil sa kuryente nagbabadya!

Taas-singil sa kuryente nagbabadya!

January 19, 2023 @ 7:25 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Matapos ang babalang pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing produkto tulad ng LPG, hygiene products, itlog, maging ang cake ay nagbabadya ring tumaas ang singil sa kuryente ng Meralco bago matapos ang Enero dahil patapos na ang kanilang kontrata sa planta ng Aboitiz.

Sa ngayon, halos P6 kada kilowatt hour (kwh) ang presyo ng Aboitiz Plant pero kung sa spot market kukuha ang Meralco, posibleng umabot ito sa hanggang P10 kada kwh ang presyo.

“Ang end goal kasi natin is to secure and ensure that our customers have adequate electric supply at the least cost possible based on the situation on the ground. Ito ang tinatrabaho namin,” ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Sa kabila nito, sa konsyumer pa rin ipapasa ang dagdag-singil.

Umalma naman ang grupong Power for People (P4P) Coalition dahil dapat umanong may managot kung bakit taumbayan ang sapul ng dagdag-singil sa kabila ng labas naman sila dapat sa problemang ito.

Nagbabala naman sa Department of Energy at National Grid Corporation of the Philippines ang gruong National Association of Electricity Consumers for Reforms (NASECORE) sa posibleng pagnipis ng reserbang kuryente na puwedeng mauwi sa brownout. RNT