Taas-singil sa kuryente para sa Enero, inanunsyo ng Meralco

Taas-singil sa kuryente para sa Enero, inanunsyo ng Meralco

January 10, 2023 @ 4:10 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Manila Electric Co. (Meralco) ang pagtaas ng singil sa kuryente sa P0.6232 kada kilowatt-hour (kWh) para sa buwan ng Enero.

Dahil dito, nasa P10.9001 per kWh ang kabuuang rate ng kuryente ngayong buwan mula sa P10.2769 per kWh noong Disyembre.

Para sa residential customers na kumokonsumo ng 200 kWh, ang adjustment ay katumbas ng pagtaas ng humigit-kumulang P125 sa kanilang kabuuang singil sa kuryente.

Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng rate ang pagtaas ng generation charge at ang pagkumpleto sa refund na ipinag-uutos ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Tumaas ang generation charge ngayong buwan ng P0.3316 hanggang P7.1291 kada kWh habang tumaas ang mga singil mula sa mga independent power producer at ang Wholesale Electricity Spot Market.

Nakumpleto na ng Meralco ang distribution-related refund katumbas ng P0.2761 kada kWh para sa mga residential na customer.

Hindi naman nagbabago ang distribution charge mula noong Agosto ng nakaraang taon habang bumaba ang transmission rates. RNT/SA