Taas-singil sa NLEX ikakasa sa Mayo 12

Taas-singil sa NLEX ikakasa sa Mayo 12

May 10, 2022 @ 12:48 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng NLEX Corp., ang operator ng North Luzon Expressway (NLEX), ngayong Martes  na magtataas ito ng toll rates simula Huwebes, Mayo 12, 2022.

Sa isang pahayag, sinabi ng NLEX Corp. na binigyan ng Toll Regulatory Board ang kumpanya ng green light na taasan ang toll ng P2.00 sa open system at P0.34 kada kilometro sa closed system.

Sa ilalim ng adjusted toll rates, ang mga motoristang bumibiyahe saanman sa loob ng open system ay magbabayad ng karagdagang P2.00 para sa Class 1 na sasakyan (regular na sasakyan at SUV), P6.00 para sa Class 2 na sasakyan (bus at maliliit na trak), at P8.00 para sa Class 3 na sasakyan.

Sinabi ng NLEX Corp. na ang open system ay mula Balintawak, Caloocan City hanggang Marilao, Bulacan habang ang closed system ay sumasakop sa bahagi sa pagitan ng Bocaue, Bulacan at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga kasama ang Subic-Tipo.

Samantala, ang mga bibiyahe sa NLEX end-to-end sa pagitan ng Metro Manila at Mabalacat City ay magbabayad ng karagdagang P27.00 para sa Class 1, P69.00 para sa Class 2 at P82.00 para sa Class 3 na sasakyan.

“To help cushion the impact of the toll increase, public utility jeepneys (PUJs) under the NLEX Passada and Tsuper Card discount and rebate program will continue to enjoy the old rates,” ayon sa kompanya.

“Provincial buses will also be covered by a graduated rebate scheme for a period of three months,” dagdag pa sa anunsyo.

Sinabi ng NLEX Corp. na ang taas-singil ay nakasunod sa regulatory procedures at dumaan sa masusing rebyu. RNT