TAG-INIT NAGSIMULA NA; LA NINA, BAGYO PAGHANDAAN

TAG-INIT NAGSIMULA NA; LA NINA, BAGYO PAGHANDAAN

October 7, 2022 @ 4:32 PM 2 months ago


INIHAYAG ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na nagsimula na ang amihan at lumipas na rin ang habagat.

‘Yun bang === nagsimula na ang tag-init at natapos na ang tag-ulan.

Gayunman, sinasabi ng PAGASA na may La Nina na magdudulot ng masamang panahon.

At sinasabi nitong dapat na nating paghandaan ang mga pag-ulan na lumilikha ng mga baha, landslide at iba pang mapanirang bunga ng La Nina.

MGA BAGYO PAGHANDAAN DIN

Kasabay ng La Nina, dapat din nating alalahanin na may mga bagyo pang darating na sa kasaysayan natin ay sa Nobyembre at Kapaskuhan pa rumaratsada.

At pawang naging mababagsik at nakatatakot ang mga iyon dala ng mga pinsalang dala nila.

Maalala pa ba ninyo ang bagyong si Winnie noong Nobyembre 2004 na pumatay ng 1,593?

Nobyembre 2006 nang umatake naman si bagyong Reming na pumaslang ng 1,400 katao.

Sinundan ito ni Yolanda noong Nobyembre 2013 na ikinasawi ng mahigit 6,300 katao.

Noong namang Disyembre 2011, dumaan si Sendong sa Mindanao at pumaslang ng 2,546 katao.

Disyembre 2012 naman nang umatake si Pablo sa Mindanao pa rin at pumatay ng nasa 2,000 katao.

Lumikha ang mga bagyo ng mga nakamamatay na baha, landslide at iba pa.

Kaya dapat tayong maghanda laban sa mga bagyo at hindi lamang laban sa La Nina.

MAGANDANG PASIMULA AT BALITA

Sa gitna ng banta ng La Nina at hindi mapigil na pagdating ng mga bagyo, naririyan naman ang magandang balita sa pagsisimula ng amihan.

Para sa mga magsasaka na siniraan ng mga pananim ng bagyong Karding, pasimula ulit ang buwang Oktubre at Nobyembre, ang iba sa Disyembre, ng paghahanda ng mga bukirin upang tamnan muli.

At pagdating ng mga buwan ng Pebrero, Marso at Abril, naririyan naman ang mga anihan.

Makaaasa ang mga magsasaka ng magandang ani dahil hindi na mabagyo sa mga buwan ng Enero at Prebrero na pasimula ng paghinog ng mga butil ng balay.

Dahil dito, maaaring umasa ang mga magsasaka na sila’y makababawi, kahit kaunti, sa kanilang pagkalugi sa pagdaan ni super bagyong Karding.

Ang mga panahong Okubre hanggang Nobyembre-Disyembre  naman ay may magandang balita sa lahat.

Karaniwang nagdudulot ng pagginhawa ng buhay ng marami ang Kapaskuhan na nagsisimula sa buwang ng Oktubre.

Sa Oktubre-Nobyembre inihahanda ang mga paninda para sa Kapaskuhan at pagdating ng Disyembre, hindi na magkaugaga ang lahat sa pangangalakal.

Lalo na’t naririyan na ang milyon-milyong obrero sa mga pagawaan at opisina na makatatanggap ng kanilang mga 13th month pay at bonus.

Naririyan din ang mga padala ng oversease Filipino workers na magbibigay-buhay sa milyon-milyong pamilyang Pinoy at maging sa mga kalakal na pinagkakakitaan.

Magbubuhos din ng pamahalaang Marcos ng maraming biyaya sa mga mamamayan.

Magtitipid man ang marami dahil nasa panahon pa rin tayo ng krisis sa giyera sa Russia at Ukraine at pandemya sa COVID-19 at iba pa, marami talaga ang makararamdam ng ginhawa.

Sana naman, maging makabuluhan ang paghahanda nating lahat laban sa mga kalamidad at Kapaskuhan.