Tag-ulan nagsimula na; Dante nasa labas na ng PAR, magpapaulan sa Batanes

Tag-ulan nagsimula na; Dante nasa labas na ng PAR, magpapaulan sa Batanes

June 5, 2021 @ 8:36 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng tag-ulan sa bansa.

“The probability of near to above normal rainfall conditions is high in the next two months [of June and July],” pahayag ng PAGASA.

Ngunit anila posible pa ring maranasan ang monsoon breaks.

Samantala, patuloy na lumalayo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) si bagyong Dante.

Huling namataan si Dante sa 285 kilometro hilagang-kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte sa labas ng PAR na may taglay na hanging aabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugsong aabot sa 80 kph sa bilis na 20 kph sa direksyong pa-hilaga.

Makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ang Batanes dahil kay Dante na may posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Nananatiling nakataas ang Gale Warning sa hilaga at kanlurang baybayin ng Northern Luzon.

Ang nalalabing parte naman ng bansa ay makakaranas ng maulap na papawirin na may hiwa-hiwalay na thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.

Babala ng PAGASA na posible ang mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Inaasahang lumubog ang araw bandang 6:23 ng gabi. RNT/ELM