Manila, Philippines – Mas makabubuti kung manggagaling sa inter-agency ang magiging opisyal na tagapagsalita ng federalism awareness campaign.
Ito ang pahayag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar matapos batikusin ng mga kritiko ang viral video ni PCOO Assistant Secretary Mocha Uson na dance jingle ng federalism info drive.
Sinabi ni Sec. Andanar na base sa pag-uusap nila sa Malakanyang, mas mabuting ang mga eksperto at kasama sa Consultative Committee ang opisyal na magsasalita hinggil sa pederalismo.
Una nang nilinaw ng Kalihim na nanggaling kay Con-Com Spokesman Ding Generoso ang ideya na magamit sa information drive sa Pederalismo si Asec.  Mocha at walang kinalaman dito ang palasyo.
Samantala, iginiit ni Sec. Andanar na kabilang sa partnership sa mga media entities sa mga paraan ng awareness campaign na kanilang gagawin.
Nilinaw rin niya na sa ngayon ay wala pa ang Memorandum of Agreement at ang P10 million na sinasabing manggagaling sa P90 million budget ng DILG para sa information drive sa buong bansa. (Kris Jose)