Tagle: adiksyon sa gadget at TV, may epekto sa lipunan at pamilya

Tagle: adiksyon sa gadget at TV, may epekto sa lipunan at pamilya

July 16, 2018 @ 2:18 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Naniniwala si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na kahit hindi iligal ay nakakaapekto rin sa lipunan at pamilya, ang adiksyon ng mga tao sa telebisyon at gadgets.

Sa kanyang homiliya sa pagpapasinaya ng kauna-unahang Sanlakbay Recovery and Restoration Center sa Sta. Cruz, Manila, sinabi ni Tagle na bukod sa adiksyon sa iligal na droga ay dapat ring tutukan ang iba’t iba pang uri ng adiksyon, na nakakaapekto sa lipunan at pamilya.

Partikular niyang tinukoy ang gadget addiction, at labis-labis na panonood ng telebisyon ng ilang mamamayan.

Ipinaliwanag ni Tagle na bagamat hindi nasasakop bilang iligal sa batas ay nagdudulot din ito ng epekto sa pakikipag-kapwa tao at relasyon sa ating pamilya.

“Lahat naman tayo may kaniya-kaniyang addiction, kaya lang yung iba legal. Kaya tuloy lang. Yung mga addicted sa cellphone, addiction din yan.  Minsan kaharap mo na yung misis mo hindi mo nga tinitingnan ang misis mo. O kaya yung mga teleserye kahit na hindi makakain ng hapunan, kahit na hindi maghanda ng hapunan, huwag lang lalagpasan,” ani Tagle.

Kaugnay nito, hinimok ng Cardinal ang bawat isa na iwaksi ang paghuhusga sa ibang tao, tulad ng mga drug addicts, bagkus ay magtulungan para sa sama-samang paghilom.

“Minsan bago tayo maghusga katulad ni Isaias kasama pala tayo sa bayan na mayroon ding mga karupukan at sa karupukan sama-sama din tayong naglalakbay. At sa pag-ibig ng Diyos sama-sama din tayong maglakbay para sa sama-samang paghihilom at ang nahihilom dyan ang pamilya, ang sambayanan,” aniya pa.

Sa isang mensahe ni Pope Francis, hinihikayat nito ang bawat isa na maglaan ng panahon para sa pakikisalamuha sa kapwa at pagbibigay-oras sa pamilya, hindi lamang sa paraan ng makabagong teknolohiya kundi sa pamamagitan ng personal na presensiya. (Macs Borja)