Tagle nanawagan ng tulong para sa mga biktima ng Haiti quake

Tagle nanawagan ng tulong para sa mga biktima ng Haiti quake

August 23, 2021 @ 2:09 PM 10 months ago


Manila, Philippines – Nanawagan si Luis Antonio Cardinal Tagle, Prefect ng Congregation for the Evangelizations of Peoples ng tulong para sa mga biktima ng lindol sa Haiti, economic crisis sa Lebanon at kaguluhan sa Afghanistan.

Ipinapanalangin dito ang pagiging bukas sa puso ng bawat mamamayan na lingapin ang higit nangngailangan sa pamayanan lalo na ngayong iba’t ibang uri ng suliranin na naranasan ng buong daigdig kasabay ng patuloy na paglaganap ng coronavirus pandemic.

Umaasa ang opisyal na sa tulong ng Panginoon ay magtulungan ang bawat isa na itaguyod ang kapakanan lalo na ng mga dukha.

“Kumakatok po kami sa Iyong puso upang yakapin po ninyo lalo na ang mga walang maasahan kundi kayo; pukawin po ninyo ang puso ng lahat ng tao sa buong mundo lalo na po ang mayroong kakayahan na gumawa ng pagkakaiba sa yugtong ito ng kasaysayan, maging pangunahin nawang preokupasyon ang dignidad at ang buhay  ng mga maliliit at ang mas dukha sa aming lipunan,” bahagi ng panalangin ni Cardinal Tagle.

Tinukoy ng Cardinal ang krisis na dinaranas ng mga biktima ng 7.2 magnitude na lindol sa Haiti na kumitil sa mahigit dalawang libong buhay at puminsala sa daang libong bahay at ari-arian noong Agosto 14.

Ang lumalalang krisis sa Lebanon dahil sa pagbagsak ng ekonomiya mula ng wakasan ang subsidised fuel imports sa bansa.

Bukod pa rito ang kaguluhan sa Afghanistan dahil sa pagpapalit ng uri ng gobyerno nang tuluyang masakop ng Taliban forces ang sentro ng bansa at paglisan ng American forces at mga opisyal ng gobyerno sa naturang lugar.

Naniniwala si Cardinal Tagle na mapagtagumpayan ng bawat mamamayan ang krisis na hinaharap sa sama-samang pananalangin at pagtutulungan ng bawat isa upang makaahon sa kahirapan.

Una nang tiniyak ng opisyal ang pagkilos ng simbahang katolika sa pangunguna ng Caritas Internationalis na pinangangasiwaan ni Cardinal Tagle sa paglunsad ng mga programa sa mga bansang nakararanas ng labis na kahirapan bunsod ng mga sitwasyong pinalubha ng pandemic. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)