Taguig COVID case umakyat pa sa 856

Taguig COVID case umakyat pa sa 856

August 3, 2022 @ 1:00 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Umakyat pa sa 856 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 ang naitala ng Taguig City Health Office (CHO).

Base sa COVID-19 tracker ng Department of Health (DOH), nakapagtala ang Taguig ng 640 bagong kaso ng virus mula Hulyo 26 hanggang Agosto 1 na mas mataas ng 16 na kaso o katumbas ng 3.9 porsiyento sa naitalang 616 bagong kaso noong Hulyo 19 hanggang 25.

Sa kabuang datos ng kaso ng COVID-19 sa Taguig ay mayroon nang 86,558 kumpirmadong kaso ang lungsod kung saan 85,161 sa mga ito ay nakarekober na habang 541 naman ang mga namatay simula pa noong taong 2020.

Ayon naman sa datos na inihayag ni Dr. Guido David ng OCTA Research, ang Taguig ay nasa ika-anim na puwesto sa buong bansa base sa bilang ng mga bagong kaso na may bilang na 92.

Sa datos din ng DOH mula Hulyo 25 hanggang 31, ang Pilipinas ay may karagdagang 24,100 bagong kaso ng COVID-19 o daily average na 3,443 o katumbas ng may pagtaas ng 24 porsiyento sa kabuuang naitala mula Hulyo 18 hanggang 24.

Nito lamang nakaraang linggo ay nakapagtala ang DOH ng 44 na namatay habang 76 naman ang mayroong malala at kritikal na kaso.

Sa usapan naman ng pagbabakuna, ang lokal na pamahalaan ng Taguig ay nakapagturok ng bakuna sa 6,783 indibidwal laban sa virus mula Hulyo 25 hanggang 29.

Sa kabuuang nagpaturok ng bakuna ay 4,835 sa mga ito ay mga nasa tamang gulang na na nasa edad 18 pataas na tumanggap ng una at pangalawang dose gayundin ang mga tumanggap ng una at ikalawang booster shot habang 915 na mga menor de edad na nasa edad 12 hanggang 17 ay napagkalooban na rin ng kanilang unang booster shots samantalang 1,033 na mga tsikiting na nasa lima hanggang 11 taong gulang ang nabakunahan naman ng kanilang una at ikalawang dose ng bakuna kontra COVID-19. James I. Catapusan