Taguig school sinuyod sa bomba

Taguig school sinuyod sa bomba

November 8, 2022 @ 6:47 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Malinis sa bomba o walang nakitang pampasabog sa isinagawang sweeping operation sa isang pampublikong paaralan na nasangkot sa isang bomb threat nitong Lunes ng hapon.

“Alarming threats of violence in a public school in the City of Taguig circulated on social media this morning. The local government received these reports and immediately coordinated with the Philippine National Police (PNP),” ayon sa Taguig City’s public information office (PIO).

Ayon sa Taguig PNP, sinuspinde ang mga klase sa hapon sa Signal Village National High School kasunod ng mga banta na ikinomento ng isang “Sofia Smith” sa isang Facebook Live na nai-post sa “I Love Taguig”, ang Facebook page ng PIO ng lungsod.

“Papatayin ko lahat ng mga estudyante sa taguig signal village taguig city,” ayon sa isang komento.

“Papatayin ko lahat ng mga estudyante sa sa signal humanda kayong lahat hahaha papatyin ko lahat lahat,” dagdag pa nito.

Samantala, sinabi ni Taguig City police chief Robert Baesa na kasalukuyang bini-validate ng kanyang tanggapan ang mga screenshot ng mga komentong kumakalat online at nagsasagawa ng “in-depth investigation” ang PNP Anti-Cybercrime Group sa pagkakakilanlan ng taong nasa likod ng Facebook account na pinangalanang “Sofia Smith.”

Dagdag pa ni Baesa, inatasan niya ang mga team, kabilang ang Special Weapons And Tactics (SWAT) at Explosive Ordnance Disposal and Canine Group, na magpatrolya sa lahat ng paaralan sa Taguig, lalo na sa Signal Village. RNT