TAGUMPAY DAHIL SA PANDEMYA

TAGUMPAY DAHIL SA PANDEMYA

May 12, 2022 @ 1:17 PM 2 months ago


Nasaksihan sa katatapos na local elections sa National Capital Region ang muling paghahalal para sa pagpapatuloy ng serbisyo ng walong alkalde, kabilang si Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, kung saan ako nakatira.

Muli ring inihalal sina Ma­yors Vico Sotto ng Pasig (70 porsiyento), Abby Binay ng Makati (97%), Marcy Teodoro ng Marikina (62%), Emi Calixto-Rubiano ng Pasay (95%), Ike Ponce ng Pateros (86%), Francis Zamora ng San Juan (87%), at Imelda Aguilar ng Las Piñas (93%).

Samantala, walong iba pang siyudad sa Metro Manila ang magluluklok ng mga bagong alkalde sa Hunyo 30, pero tagum­pay pa rin ito para sa mga ka­salukuyang nanunungkulan dahil mga kamag-anak o kaalyadong pulitikal na nakipagpalit lang ng posisyon sa incumbent ang mga ito.

Ang tagumpay ni Mayor-elect Honey Lacuna ng Maynila, halimbawa, ay pagpapatuloy ng Asenso Manilenyo na tatak ng pamumuno ng administrasyon ni Yorme Isko Moreno. Pero walang maipipintas sa kauna-unahang babaeng mayor ng kabiserang lungsod. Para sa mga Manileños, na naniniwalang si Isko ang pinakamahusay na naging alkalde nila sa kasaysayan, si Honey ay walang anomang ipinagkaiba bilang leader.

Naniniwala akong ang sikreto sa ganitong pagtatagumpay ay ang kaka­yahan ng mga pamahalaang lokal na malampasan ang lahat ng hamon ng pandemya. Delikado at desperado ang sitwasyon sa nakalipas na dalawang taon, at sa unang pagkakataon para sa marami sa atin, kinai­langan nating umasa sa lokal na pamahalaan para sa ating kakainin.

Sa Malabon City, inabandona ng mga botante ang pamilya Oreta para sa oposisyon. Nawa’y ang pagkakapili ninyo kay Mayor-elect Jeanne Sandoval ay maging tunay na panalo para sa magandang kinabukasan dahil tagumpay ito ng tunay na diwa ng demokrasya.

*         *         *

Literal na umiyak ang pinakabata kong anak na babae sa pagkapanalo ni Marcos. Unang beses niyang bumoto nitong Mayo 9. Ako na lang ang umalo sa kanya habang sinisikap bigyang-rason ang nangyari.

*         *         *

Samantala, bumoto ang mamamayan ng Camarines Norte para sa panibagong termino sa Kamara ng reelectionist na si Rep. Marisol Panotes kahit pa namaalam na siya sa mundo 10 araw bago ang eleksyon sa Mayo 9.

Ang nakuha niyang 18,138 boto (mula sa unofficial tally) ay nagbigay sa kanya ng mahigit 10,000 lamang sa pinakamahigpit niyang karibal. Pinatunayan ng mga numerong ito kung gaano kamahal ng mga tagalalawigan ang itinatangi kong Tita Toots.

Sa ngayon, kasado na ang mga pagbati para sa aking pinsan, ang anak na babae ni Tita Toots, si Rosemarie, na kumpiyansa akong — dahil minana niya ang landslide victory na maghahatid sa kanya sa Batasan – ipagpapatuloy niya ang dakilang pa­mana ng kanyang yumaong ama (Uncle Elmer) at ina, na nakaukit na sa kasaysayan bilang mahuhusay na lingkod-mambabatas.

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side­_View.