Tagumpay ng anti-criminality ops ng CIDG, iniugnay sa suporta ni PBBM

Tagumpay ng anti-criminality ops ng CIDG, iniugnay sa suporta ni PBBM

January 2, 2023 @ 8:38 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tinapos ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 2022 nang matagumpay sa mas pinaigting na anti-criminality operations.

Sinabi ni CIDG chief Brig. Gen. Ronald Lee napanatili ng grupo ang momentum ng kamoanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga nang maaresto nito ang 114 suspek sa 61 operasyon na isinagawa nitong 2022.

May kabuuang P6,752,170 halaga ng iligal na droga ang nakumpiska sa nasabing mga operasyon habang 28 kaso ang naihain sa korte.

Sa kampanya laban sa iligal na sugal at game fixing, nagsagawa ang CIDG ng 1,233 operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 4,136 indibidwal. Hindi bababa sa P3 milyong halaga ng cash bets ang nakumpiska at 1,083 kaso ang naisampa.

Inilahad pa ni Lee na nagkasa ang CIDG ng 8,621 manhunt operations laban sa most wanted persons para sa iba’t ibang krimen sa bansa.

Sa kampanya naman laban sa loose firearms, nagsagawa ng kabuuang 1,582 operasyon kung saan naaresto ang 780 indibidwal at nakapaghain ng 387 kaso. Hindi bababa sa 13 indibidwal ang nasawi sa mga nasabing operayon, habang 918 armas, 4,095 pampasabog, at 15,241 ammunition ang nakumpiska.

Sinabi pa ni Lee na nagsagawa ang CIDG ng 183 operasyon laban sa smuggling at counterfeiting na nagdulot ng pagkakasabat ng P50 million halaga ng counterfeit items at pagkakaaresto sa hindi bababa sa 300 indibidwal.

Samantala, nagsagawa ang CIDG ng siyam na operasyon laban sa illegal recruiters at traffickers. Labinlima ang naaresto sa nasabing mga operasyon habang apat na kaso ang naihain sa korte.

Gayundin, nagresulta ang kampanya ng CIDG laban sa unlawful destruction ng natural resources sa kabuuang 262 operasyon, 487 indibidwal na naaresto, at pagkakasabat ng iligal na kahoy at iba pa na aabot sa halagang P75,676,899 at pagkakasa ng 150 court cases.

Iniugnay naman ni Lee ang mga tagumpay ng CIDG sa anti-criminality operations tnito sa suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“With the support of our President Ferdinand Marcos Jr., this resulted in an intensified law enforcement operation and a high satisfaction rating from our compatriots,” pahayag ni Lee.

“These flagship projects have proven to be an effective and efficient law enforcement tool in providing the maximum or ultimate result in response and support to maintain peace and security in the country,” patuloy niya. RNT/SA