TAGUMPAY NI BBM, PATUNAY NG SERBISYO NG MARCOSES

TAGUMPAY NI BBM, PATUNAY NG SERBISYO NG MARCOSES

May 23, 2022 @ 6:25 PM 1 month ago


NAIPAKITA sa tagumpay nitong nakaraang eleksyon ni presumptive President Ferdinand Marcos Jr. ang mainit pa ring pagsuporta ng sambayanang Pilipino sa mga Marcos na nagpapatunay lamang na marami ang may magandang pagtingin sa nakaraang administrasyong Marcos.

Sa kabila ng paninira at iba’t ibang anggulo ng propaganda na ipinakalat sa media upang tuluyang sirain ang pagtakbo ni BBM sa pagkapangulo, tila lumitaw pa rin ang milyon-milyong Pilipino na hindi nagpatinag sa kanilang matibay na paninindigan at pagtitiwala kay BBM.

Bukod rin dito, marami sa atin ay hindi na papayag pang bumalik ang dating uri ng serbisyo-publiko na puro salita at kulang sa gawa kung kaya’t marami na rin ang nagtulong-tulong upang si BBM na nga ang siyang mailuklok sa pinakamataas na posisyon ng ating pamahalaan.

Sigurado kasing hindi sasayangin ng administrayon ni BBM ang mga nagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ang anak nitong si Sara Duterte ang kanyang magiging kaagapay sa muling pagbangon ng ating bayan mula sa pagkakalugmok na dala ng COVID-19.

Marahil rin ay muling bubuhayin ni BBM ang mga nakaraang programa at inisyatibo ng kanyang ama na talagang mapakikinabangan ng maraming Pilipino.

Iyong nakaraang nilalait ng iba at tinatawag na “Marcos apologists” ang siyang nagpanalo ngayon sa laban na inakala ng iba na madaraan sa bilang ng indibidwal na lumalahok sa campaign rallies.

Ngayon siguro nagising ang mga disente na kailanma’y hindi porque suportado ng mga edukado at mayayamang pamilya ay siya na ang siguradong iboboto ng sambayanang Pilipino.

Lalo pa ngayon na marami na ang mulat sa iba’t-ibang sources ng impormasyon at hindi na lamang traditional media nag-iisang daanan ng datos para sa publiko.

Sa mundo ng iilan kung saan hinati ang pamantayan ng mga Pilipino sa pagpili ng pinuno sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, lumabas ngayon ang tunay na boses ng madla na kailanma’y hindi magpapadikta base sa maka-disenteng pagtingin lamang.