Takbo ng ekonomiya ng bansa, maganda pa rin

Takbo ng ekonomiya ng bansa, maganda pa rin

July 21, 2018 @ 12:27 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Maganda ang takbo ng ekonomiya ngayon ng bansa sa kabila ng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Trade Sec. Ramon Lopez na bagama’t naitala ang 5.4 percent inflation rate kamakailan, ito naman ay pansamantala lamang.

Kaya nga inaasahang mababanggit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang ikatlong Ulat Sa Bayan ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa partikular ang mga infrastructure projects ng administrasyon.

Totoo aniyang may mga bilihing nagtaasan ng presyo pero 85 percent ng mga produkto sa merkado ay nananatili naman ang presyuhan kaya maituturing pa ring “stable.”

Ang  pangunahin aniya sa dahilan ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin ang paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo na nakaapekto sa maraming industriya.

Sinabi pa ng Kalihim na malaki ang epekto ng mga pag-ulan sa ngayon kaya mahirap ang pagbibiyahe ng mga produkto sa mga palengke kaya apektado ang supply, bagay na sanhi ng pagsipa ng presyo ng mga bilihin gaya ng mga agricultural products. (Kris Jose)