‘Takbuhan ng mahihirap: Mayor, kapitan magtulungan’ – Bong Go

‘Takbuhan ng mahihirap: Mayor, kapitan magtulungan’ – Bong Go

March 21, 2022 @ 4:00 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa mga kapitan ng barangay at alkalde ng bayan na magmalasakitan at magtulungan dahil sila ang unang-unang tinatakbuhan ng mga mahihirap na nangangailangan ng tulong sa harap ng kagipitan.

“Pakiusap ko sa mga mayor at kapitan, huwag ninyong pabayaan ang mga kababayan at kabarangay niyo, lalo na ‘yung mga mahihirap, dahil kayo lang ang matatakbuhan nila sa oras ng kagipitan,” ang pahayag ni Go.

Si Senator Go ay patuloy na nakikipagtulungan sa iba’t ibang pagsisikap ng pamahalaan upang labanan ang COVID-19 sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta sa mga indibidwal at sektor na lubhang naapektuhan ng patuloy na pandemya.

Sa relief operations na isinagawa ng kanyang grupo sa Borbon at Catmon, Cebu noong Sabado, nakiramay si Go sa mga residente at tiniyak sa kanila ng senador na ibinibigay ng pambansang pamahalaan ang lahat ng posibleng tulong.

Hinimok din niya ang mga lokal na awtoridad na umakma sa mga ganitong pagkakataon na binibigyang-diin ang mahalagang papel sa pagtugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

“Mga kababayan, magtulungan, magmalasakit at magbayanihan tayo sa ating kapwa.  Huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil nandito ang gobyernong palaging nagmamalasakit sa inyo.  Hinding-hindi kayo pababayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng administrasyong ito,” sabi ni Go.

Ang grupo ni Go ay nagbigay ng ayuda sa 1,332 residente sa Borbon municipal gym at Barangay Catmondaan covered court sa Catmon.  Binigyan din nila ang mga piling indibidwal ng mga bagong pares ng sapatos o mga computer tablet para sa mga pangangailangang pang-edukasyon ng kanilang mga anak.

Sa isa pang pamamahagi, nagpaabot ng tulong pinansyal ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development.  Ang Department of Trade and Industry at ang Technical Education and Skills Development Authority ay nagsagawa rin ng assessment para sa kanilang livelihood at scholarship programs.

Nag-alok din ang senador ng tulong sa mga nangangailangan ng pangangalagang medikal at pinayuhan silang gamitin ang mga serbisyo ng Malasakit Center.  Pinasimulan niya ang kauna-unahang Malasakit Center sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) sa Cebu City noong 2018 na may layuning makapagbigay ng maginhawang access sa tulong medikal ng gobyerno.

Nagbukas na rin ng Malasakit Center sa St. Anthony Mother & Child Hospital sa Cebu City, Talisay District Hospital sa Talisay City, Lapu-Lapu City District Hospital, Eversley Childs Sanitarium and General Hospital sa Mandaue City at Cebu Provincial Hospital sa  Lungsod ng Carcar.

“Masaya akong mayroon na tayong 151 na Malasakti Centers.  Sunud-sunod na ‘to.  Sabi ko nga, bilisan na natin kung maaari ang pagbubukas ng mga ito para magamit na ng mga pasyente, lalo ng mga poor at indigent,” idiniin ni Go, ang principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019.

Pinasalamatan ni Go si 5th Representative Vincent Frasco, Gobernador Gwendolyn Garcia, Bise Gobernador Hilario Davide, Borbon Mayor Noel Dotillos, Catmon Mayor Irish Baylon-Gestopa at iba pang lokal na opisyal sa kanilang serbisyo sa mga mapanghamong panahong ito. RNT