Talamak na oil smuggling ipabubusisi na rin ng Kamara

Talamak na oil smuggling ipabubusisi na rin ng Kamara

January 25, 2023 @ 6:12 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nagkasa na ng inisyatibo ang isang mambabatas sa pamamagitan ng paghahain ng isang resolusyon sa Malaking Kapulungan ng Kongreso na nagpapaimbestiga sa “smuggling” o pagpupuslit ng mga produktong petrolyo sa ating bansa.

Inihain ang House Resolution 696 ng mag-amang Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing kung saan pina-iimbistagahan nila sa House Committee on Ways and Means “in aid of legislation” ang oil smuggling sa bansa.

Binanggit sa resolusyon ang kahalagahan ng mga produktong petrolyo gaya ng diesel, gasolina, liquified petroleum gas o LPG at iba pang katulad sa mga importanteng sektor ng ekonomiya sa ating bansa.

Ipinagliwanag pa ng mag-ama na hindi sapat ang mga aksyong kasalukuyang ginagawa at ipinatutupad ng gobyerno para malabanan ang smuggling, tulad ng implementasyon ng “fuel marking program” ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal ng Revenue (BIR) sa ilalim ng TRAIN Law mula noong Setyembre 2019.

Hindi rin anila sapat ang isinasagawang operasyon ng BOC para maharang ang pagpasok ng unmarked fuels sa ating bansa, gaya ng nasa siyam na bilyong litro ng unmarked fuels mula Enero hanggang Hunyo 2022.

Patuloy aniyang nakalulusot ang mga ito na nagreresulta sa P44 bilyong taunang “revenue losses” o pagkalugi, sa deregulated downstream oil industry.

Dahil dito, iginiit ng mag-amang Suansing sa inihaing resolusyon na dapat ng magpanukala ang Kongreso ng mga angkop na lehislasyon at iba pang hakbang para matugunan ang problema.

Kailangan ding tuparin ng Kongreso ang oversight function nito upang mapigilan ang paglala ng smuggling activities. Meliza Maluntag