TALAMAK NA UNSAFE WORK PRACTICES SA ROAD CONSTRUCTION

TALAMAK NA UNSAFE WORK PRACTICES SA ROAD CONSTRUCTION

January 27, 2022 @ 4:50 AM 8 months ago


HINDI sapat ang implementasyon ng health and safety ng kontraktor sa road construction sa kahabaan ng UN Avenue, Malate, Maynila.

 

Habang binabagtas natin ang naturang lugar noong nakaraang Martes ng gabi, kitang-kita ng dalawa nating mata ang malaking panganib na kinakaharap ng mga empleyado nito at ng ating mga kababayang mananakay at motorista.

Naobserbahan natin ang kawalan ng signal/traffic man, kakulangan sa safety signs, ilaw at personal protective equipment o PPE para sa mga obrero.

Aba, mahirap kung walang nagsesenyas sa publiko upang ituro ang safe access.

Delikado rin kung walang nakapaskil na safety sign, at least kung hindi available ang signal/traffic man, mabibigyan ng direksiyon at babala ang publiko.

Magbibigay rin ito ng paalala at babala para sa mga manggagawa duon para imintina ang ligtas na pagtatrabaho.

Napakadelikado rin kung hindi sapat ang liwanag ng ilaw na inilagay, kailangang pumapasa ito sa minimum lighting requirement. Basahin ang Rule 1070 ng Occupational Safety and Health Standards ukol dito.

Ang isa pang isyu rito dear readers, naobserbahan natin ang dalawang mangagawa na hindi nakasuot ng PPE habang itinutulak ang mga culverts.

Naka-tsinelas, naka-short pants at cotton long sleeves ang tanging suot nila.

Dapat may suot din silang hard hat, safety goggles, hand gloves, fire resistant na upper and lower garment, safety shoes, respiratory protective equipment, visibility vest at ear plug din kung sakaling maingay ang aktibidades.

Para sa mga kontraktor, sundin po natin ang nakasaad sa construction safety and health program at panuntunan ng mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Public Works and Highways at Department of Labor and Employment. Igalang din po ang rules ng LGU’s.

Isaalang-alang natin ang mga ito upang maproteksiyunan natin ang ating mga empleyado at publiko. Malaki ang magagawa ng pagsunod. Mapipigilan natin ang aksidente at sakit at makaiiwas pa tayo sa multa, danyos perwisyo at abala.