TALO ANG TAO SA KASO NI REP. JALOSJOS

TALO ANG TAO SA KASO NI REP. JALOSJOS

January 3, 2023 @ 11:24 AM 1 month ago


TILA bara-bara at hindi muna pinag-isipan ang pagtanggal sa roster ng members of the House of Representatives kay Zamboanga del Norte 1st District Rep. Romeo Jalosjos Jr.

Walang personal na interes ang inyong lingkod sa isyung ito, kapansin-pansin lang ang mabilis na hakbang ng Kongreso dahil ginawa nila ito sa kabila nang kawalan pa ng pinal na desisyon mula sa Korte Suprema,

Tama si Surigao Rep. Ace Barbers na nagpasok ng parliamentary inquiry para sa Nacionalista Party at humingi ng tunay na paglilinaw hinggil sa status ni Jalosjos.

Pinagbasehan din ni Barbers ang House Rules na ang kandidatong naiproklama na ng Commission on Elections bilang nanalo sa naganap na halalan ay mananatiling nasa roster ng Kongreso habang walang inilalabas na final and executory judgment ang Kataas-taasang Hukuman hinggil sa electoral protest laban sa kongresista.

Magiging malaking serbisyo lalo na sa immediate constituents ni Jalosjos kung rebyuhin ng HoR ang naging aksyon nito at pansamantalang ibalik ito sa pwesto ang mambabatas upang maipagpatuloy ang pagtulong sa kanyang nasasakupan lalo’t kasalukuyan silang sinasalanta ng kalamidad lalo na noong Kapaskuhan.

Wala na sa lugar ang pamumulitika kaya sa halip na unahin ang kapakanan ng taong-bayan na siyang dahilan kung bakit sila nasa kapangyarihan, iba ang inuuna ng mga mambabatas na ganid sa pera at pwesto.

Nabatid na may naitalagang “caretaker” para sa unang distrito ng Zamboanga del Norte na binubuo ng walong munisipalidad subalit hindi naman ito na nakafocus sa agarang tulong sa mga nasasakupan at ang siste pa, bihira lang daw ito makita sa probinsya, hay naku!

Mismong ang public information officer ng probinsya na si Buddy Cagbabauan ang nagsabing sobrang kawalan ang biglang pagtanggal sa kongresista kung kaya’t libu-libong supporters nito ang nananawagan na ibalik ito sa puwesto upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa kanyang distrito.

Nitong Miyerkoles, lumalabas na may mahigit 10, 000 supporters ng kongresista mismo sa Dapitan City ang nagsagawa ng isang prayer and unity rally.

Ang nangyaring kalamidad nitong Pasko ang lalo pang nagpatunay sa Zamboanga del Norte na wala silang matakbuhang kongresista.